Pinangunahan nina Department of Agriculture (DA) Secretary William D. Dar at DA IV-CALABARZON (DA-4) OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan ang paglulunsad sa Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) kasabay ng pagpapasinaya sa bagong tayong Sariaya Agricultural Trading Center and Facilities noong ika-21 ng Oktubre.
Sa naturang pinansyal na tulong, makakatanggap ang bawat benepisyaryong magsasaka ng palay ng tig-lilimang libong piso (P5,000). Ito ay galing sa labis na taripang nakolekta mula sa implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na hango sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL).”
Sa pamamagitan ng RTL, ang DA ay may karagdagang interbensyon na maaaring ipamahagi sa mga magsasaka ng palay gaya ng binhi, makinarya, at financial credit.
Ayon kay Secretary Dar, naging matagumpay ang implementasyon ng RTL dahil bukod sa maraming magpapalay ang nakinabang sa mga interbensyon mula sa RCEF, nagkaroon din ng higit pa sa sapat na dami ng bigas sa buong bansa at walang naging rice inflation mula noon.
Nadagdag pa sa benepisyong hatid ng RTL ay ang nasabing tulong pinansyal na una nang natanggap ng 100 magpapalay mula Sariaya.
Ayon kay DA Assistant Secretary for Operations Arnel V. de Mesa, ang maliliit na magpapalay na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at may palayan na hindi lalagpas sa dalawang ektarya ang sukat ang silang magiging benepisyaryo ng RFFA.
Nakuha ng mga benepisyaryo ng RFFA ang P5,000 sa pamamagitan ng Interventions Monitoring Card (IMC).
Ang IMC ay naglalaman ng mga pangunahing impormasyon at ang RSBSA number ng mga magsasaka. Magagamit nila ang card sa pagkuha ng iba pang mga interbensyon mula sa DA.
“Sa ngalan po ng aming samahan, nagpapasalamat po kami sa Department of Agriculture, sa pangunguna ni Secretary Dar. Iyong 5,000 ay magagamit po sa pagbili ng farm inputs na kailangang-kailangan namin lalo’t magsisimula na uli ang planting season. Sana’y magpatuloy ang mga ganitong proyekto dahil napakalaking tulong sa hanay ng mga magsasaka,” ani Gil B. Virtucio, miyembro ng Samahan ng Magpapalay ng Sariaya, Quezon.
Samantala, makakatulong naman ang trading center sa mga magsasaka upang maging mas madali ang pagbebenta ng kanilang mga produkto. Ito ang pagbababaan ng mga produkto ng mga magsasaka na madaling mapuntahan ng mga mamimili.
Nakapaloob sa trading center ang 160 stalls, administrative building, trading facilities, parking lot, at mga daanang nag-uugnay mula rito patungo sa mga pangunahing kalsada.
“Hindi na mahihirapang i-transport ng aming farmers ang kanilang produce sa malayong lugar gaya ng Manila. Pwedeng ‘yong mga mamimili na ang magpunta rito at maghahanap ng produkto. Alam kasi nilang mas mura, direct na galing sa farmers, at freshly harvested ang mga produktong nandito. Male-lessen ang transport expenses ng mga farmers,” ani Bb. Cristina Q. Generoso, General Manager ng Pinagdanlayan Rural Improvement Club-Multi-Purpose Cooperative (PRIC-MPC).
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Undersecretary for Operations and Agri-Fisheries Mechanization Engr. Ariel T. Cayanan, at iba pang opisyal ng DA at attached agencies at bureaus nito; House Committee Chair on Food and Agriculture at 1st District of Quezon Representative Cong. Wilfrido Mark M. Enverga; 2nd District Representative Cong. David “Jay-jay” C. Suarez; Quezon Governor Danilo E. Suarez; Sariaya Mayor Marcelo P. Gayeta; mga kinatawan ng Development Bank of the Philippines at Squidpay Technology, Inc.; at DA-4A OIC-Regional Technical Director (RTD) for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, OIC-RTD for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr., at iba pang mga opisyal at mga empleyado ng DA-4A. #### (Reina Beatriz P. Peralta/Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A RAFIS)