« of 4 »

 

Tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) at Regional Agricultural and Fisheries Council (RAFC) ang pamunuan ng Agricultural and Fisheries Council (AFC) ng rehiyon upang isagawa ang Consultation-Workshop on the Assistance of DA-4A AFCs to the Implementation of Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), noong ika-28 ng Enero.

Ang isinagawang pagpupulong ay tugon sa direktibang inihain ni DA Assistant Secretary for Operations and DA-4A Regional Executive Director Arnel V. de Mesa, na paigtingin ang implementasyon ng pagrerehistro sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga kasaping sektor sa rehiyon.

Ang RSBSA ay ang opisyal na talaan ng mga magsasaka, mangingisda, at naghahayupan. Naglalaman ito ng mga impormasyon patungkol sa lupang sinasaka at palaisdaan na basehan ng gobyerno sa pagkakaloob ng iba’t ibang tulong sa gawaing pang-agrikultura.

Ayon kay DA-4A OIC-Regional Technical Director (RTD) for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas, ang pagkakaisa ng bawat pamunuan ay malaking bagay upang maipakita na buo ang suporta ng ahensya sa pangangailangan ng mga magsasaka.

“Kinakailangan nating magtulungan sa pagtatala ng mga magsasaka dahil batid natin na pangunahing pangangailangan ito upang sila ay makinabang sa tulong at alalay ng Kagawaran,” Ani Engr. Bragas.

Ibinahagi ni RAFC Chairperson G. Pedrito R. Kalaw, na sa ngalan ng kaniyang mga kasamahan ay handa silang tumugon sa tungkulin para sa ikakabuti ng mga magsasaka sa sektor.

Upang mapalawig ang implementasyon ng RSBSA sa rehiyon, ang pamunuan ng AFCs ang syang tutulong upang magpatunay kung lehitimo ang isang magsasaka na magpaparehistro sa RSBSA. Dagdag pa rito, nagkaisa ang DA-4A at AFCs na sa pamamagitan ng isang resolusyon, ay pormal na maisulat ang tungkulin ng AFCs sa general implementation guidelines ng programa.

Kasama sa mga dumalo via Webex ay sina OIC-RTD for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr., DA-4A Banner Program Coordinators, Agricultural Programs Coordinating Office Chiefs, pamunuan ng CALABARZON Office of the Provincial Agriculturist at ng Provincial Agricultural and Fisheries Council.
#### (✍ Jayvee Amir P. Ergino)