Sa nalalapit na pagtatapos ng taong 2022 kasabay ang pagdiriwang ng Pasko, idinaos ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang Employees’ Recognition Day and Health and Wellness Activity sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) noong ika-9 ng Disyembre.
Sa naturang pagtitipon ng mga kawani ng DA-4A, na may temang “Pagbangon at Pagkakaisa sa Gitna ng Krisis,” ay pinahalagahan ang galing at kasipagang ipinamalas ng mga kawani ng DA-4A sa kabila ng pandemya, bagyo, mga sakit ng hayop, at iba pang krisis na nagdaan sa nagdaang taon.
Sinimulan ang kaganapan sa isinagawang “Patikaran sa Lipa 2022” kung saan higit sa animnapung (60) empleyado ang sumali sa “Fun Run” sa ilalim ng kani-kanilang kategorya. Sinundan ito ng isang misa ng pasasalamat.
Sa kanyang mensahe, ipinagmalaki ni OIC-Regional Executive Director Milo delos Reyes ang masigasig na pakikilahok at pagsuporta ng lahat sa kanyang sinimulang pagpaprayoridad sa kalusugan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo. Binati rin niya ang mga nananatiling haligi ng institusyon at malugod na ginawaran ang mga ito.
Samantala, limampu’t isang (51) mga natatanging kawani na may higit sa ilang dekadang pamamalagi sa serbisyong handog sa Kagawaran ng Pagsasaka ang tumanggap ng sertipiko. Maging sa mga nagtapos ng kanilang masters’ degree at iba pang empleyado na nakatakda nang magretiro. #### (✍🏻Danica Daluz 📸Ma. Betina Perez).