Tungo sa pagpapaunlad ng sistema ng pagbibinhi ng palay sa rehiyon para sa taong 2023, pinulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Banner Program ang Rice Seed Stakeholders noong ika-21 ng Oktubre sa Los Baños, Laguna.
Binuo ang pulong ng mga samahan ng magbibinhi, mga representante mula sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños, Bureau of Plant Industry-National Seed Quality Control Services (BPI-NSQCS), National Irrigation Administration (NIA) IV-A, Office of the Provincial Agriculturist (OPA), mga Agricultural Program Coordinating Officer (APCO), seed coordinators, at iba pang kawani ng Rice Banner Program.
Layunin ng pulong na makipag-panayam o magkaroon ng konsultasyon sa pagitan ng mga stakeholder patungkol sa mga requirement na binhi para sa panahon ng tagtuyot at tag-ulan sa taong 2023, paggawa ng action plan sa produksyon, at ang katuparan ng mga aktibidad sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Program (RCEP).
Ayon kay OIC-Regional Executive Director Milo Delos Reyes, dahil ang palay ang pangunahing pangangailangan sa rehiyon ng CALABARZON ay nararapat na bigyang-pokus ang pagpapataas ng estado ng pagbibinhi kaakibat ng pagpapaunlad ng mga barayti nito nang sa gayon ay hindi na mangailangang mangalap sa ibang rehiyon.
Pinaalalahanan naman ni APCO para sa Laguna at Regional Seed Coordinator Annie Bucu ang mga magbibinhi na manatiling aktibo sa pakikipag-kooperasyon sa kagawaran at lokal na pamahalaan upang tulong-tulong na maisakatuparan ang pag-abot sa target na produksyon ng binhi hanggang sa mga susunod na taon.
Samantala, ilan pa sa mga tinalakay sa aktibidad ay ang iskedyul ng irigasyon kada munisipalidad, lagay ng pagpapasertipa ng binhi sa rehiyon, at iba pang isyu sa akreditasyon at sertipikasyon ng binhi. #### ( Danica Daluz)