« of 10 »

 

Pinulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pamamagitan ng Rice Banner Program, ang rice seed growers at seed stakeholders ng rehiyon para sa isang konsultasyon noong ika-31 ng Mayo sa Tadlac, Los Baños, Laguna.

Ito ay upang mapalakas ang local seed growers at rice seed system ng rehiyon sa pagpapataas ng produksyon ng binhi at nang hindi na kailangan pang kumuha sa ibang rehiyon.

Base sa isinumite ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon, may rice physical area na aabot sa 77,878.59 na ektarya ang CALABARZON. Sa taong 2022, target na mapataas ang produksyon ng binhi upang matugunan ang pangangailangan ng kabuoang 3,000 bags ng hybrid seeds at 15,000 bags para sa inbred seeds.

Binigyang diin ni Engr. Redelliza A. Gruezo, hepe ng Field Operations Division, ang importansya ng mga kalahok. “Napakahalaga po ng gampanin ng ating seed growers, seed inspectors, at seed coordinators, bagama’t may mga problema, sa atin pong pagtutulung-tulungan, nawa po ay mapaangat at makayanan natin na tayo na mismo ang makatugon sa pangangailangang binhi sa ating rehiyon,” aniya.

Ayon kay G. Emelito Boncayo, seed coordinator ng Quezon, “Naging fruitful ang meeting. Dahil dito ay nagkaroon ng mga paliwanag at nagkaunawaan ang mga stakeholder. At sana ay ‘yong mga commitment ng Rice Competitiveness Enhancement Program at National Rice Program ay ma-iprovide ng CALABARZON, ‘yong mga pangangailangan na seeds.”

Hinikayat naman ng seed coordinator ng DA-4A at Agricultural Program Coordinating Officer ng Laguna, Gng. Ma. Annie S. Bucu ang seed growers na pagsikapan pang mapalakas ang produksyon ng mga binhi upang sila na ang makapagbigay sa rehiyon at kung sakali ay pati na rin sa iba pa.

Kabilang sa mga nagpresenta ang mga bisita mula sa Philippine Rice Research Institute-Los Baños, Bureau of Plant Industry-National Seed Quality Control Services IVA, at National Irrigation Administration IVA. Dinaluhan din ito ng mga APCO at iba pang kawani ng DA-4A.
#### (✍📸:Chieverly Caguitla)