Upang suriin ang aktibong lagay ng tatlong proyektong imprastraktura ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), isinagawa ang ikalawang pagbisita sa mga ito kasama ang Constructors’ Performance Evaluation System (CPES) Team noong 3-6 Oktubre 2022.
Sa ilalim ng Rice Program, ito ay ang konstruksyon ng Del Rosario Diversion Dam, Banabahin Ibaba to Banabahin Ilaya Canal Lining, at Ilayang Bukal Canal Lining mula sa Lopez at Tayabas City, Quezon.
Layunin ng aktibidad na magkaroon ng ebalwasyon sa kasalukuyang konstruksyon ng mga nasabing proyekto alinsunod sa mga umiiral na pamantayan, mga tiyak na requirement at ispesipikasyon, at ang lagay ng trabaho batay sa mga aprubadong plano, disenyo, at tagal ng proyekto.
Kasama rito ang mga kawani mula sa DA-4A Regional Agricultural Engineering Division, mga miyembro ng CPES team, representante ng mga institusyunal na konstruktor, accredited evaluators, at iba pang resource persons o saksi.
Sa pamumuno nina OIC-RAED Chief Engr. Romelo Reyes at CPES Evaluation Team Leader Engr. Francia Macalintal, isang Entry at Exit Conference kaakibat nito ang ginanap upang maipahatid ang presentasyon ng bawat salik ng ebalwasyon at malayang makapagdiskusyon ang mga partisipante ukol dito. #### (Danica Daluz RAED)