Naisakatuparan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Regional Agricultural Engineering Division (RAED) ang Entry at Exit Conference ng Constructor’s Performance Evaluation System (CPES) simula noong ika-8 hanggang ika-12 ng Hulyo 2024.
Ang CPES ay isang batayang sumisiguradong sumusunod ang mga konstraktor sa plano, disenyo, at mga materyales na gagamitin sa mga proyektong imprastraktura ng Kagawaran. Ito ay upang matiyak ang kalidad nito at maayos ng mga konstraktor ang mga mamamataang kakulangan o findings dito para sa ikakabuti ng proyekto.
Alinsunod sa layunin ng aktibidad, inilahad ng bawat kinatawan ang detalye ng mga sumusunod na proyekto: Ilayang Burgos Small Water Impounding Project sa Pitogo, Quezon; Sariaya Agricultural Trading Center and Facilities sa Sampaloc, Quezon; Biosecured and Climate Controlled Finisher Operation Facility sa San Pascual, Batangas; at isang unit ng Dulumbayan Canal Lining sa Teresa, Rizal.
Binigyang pansin sa pagpupulong ang kalidad ng mga konstruksyon, mga kalagayan ng bawat establisyemento, at ang paglalahad ng kasalukuyang progreso ukol sa mga aprubadong plano at disenyo.
Inilahad din dito ang ilang komento at katanungan ng mga kalahok na nagnais mabisita ang mismong site ng mga proyekto upang mas makapagsagawa ng masinsinang ebalwasyon. Pinangunahan ang aktibidad ni OIC-RTD for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo at RAED Assistant Division Chief Engr. Christian Paul Ariola kasama ang iba pang mga kawani mula sa RAED at Philippine Council for Agriculture and Fisheries. #### (Yumika Grieta, DA- 4A RAFIS Intern)