Bilang bahagi ng selebrasyon ng High Value Crops (HVC) Week, nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng Stakeholder’s Consultation tungkol sa estado ng produksyon at pagbebenta ng HVCs sa rehiyon at kung paano pa ito mapapaunlad. Dinaluhan ito ng farmers’ cooperatives and associations (FCAs) at local government units (LGUs).
Pormal na binuksan ni DA-4A Regional Technical Director (RTD) for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas ang programa kasama si Engr. Redelliza A. Gruezo, hepe ng DA-4A Field Operations Division. Ani RTD Bragas, napakahalagang isagawa ng DA ang mga naturang aktibidad upang maging mas kapaki-pakinabang ang mga programa at serbisyong hatid nito.
Ibinahagi naman nina Gng. Janice Fajardo, G. Ruben Perlas, at Gng. Mary Anne Balmes ng DA-4A HVC Development Program (HVCDP) ang estado ng produksyon at kasapatan ng kamatis, okra, ampalaya, sitaw, talong, kalabasa, kakaw, kape, mangga, at saging sa rehiyon.
Samantala, inilahad naman ng FCAs ang mga kalagayan at pangangailangan ng bawat commodity. Nagbigay ng rekomendasyon dito ang mga kawani ng HVCDP, maging ang iba ring FCAs.
“Nagpapasalamat po kami sa DA dahil lagi po silang handang makinig at tumulong sa amin,” ani Bb. Noriet Murillo, magsasaging mula sa High Value Crops Marketing Cooperative of Quezon.
“Malaki ang responsibilidad ng gobyerno at mga magsasaka dahil tayo ang nagpapatuloy ng suplay ng pagkain sa bansa. Kaya naman kayo ay hinihikayat namin na sumali at maging aktibo sa iba pang pagpupulong upang makapagbuo tayo ng mas mahuhusay na plano,” mungkahi ni Engr. Gruezo.
Dumalo rin sa pagpupulong sina Gng. Editha M. Salvosa ng Agribusiness and Marketing Assistance Division; Engr. Romelo F. Reyes ng Regional Agricultural Engineering Division; Gng. Eda F. Dimapilis ng Research Division; Agricultural Program Coordinating Officers na sina G. Fidel L. Libao, Gng. Ma. Annie S. Bucu, G. Rolando P. Cuasay, G. Felix Joselito Nocedo, at Bb. Mary Ann Gajardo; Cavite Provincial Agriculturist Lolita C. Pereña; at G. Florencio Flores na pangulo ng CALABARZON Cacao Industry Stakeholders’ Association.