DA-4A, tinipon ang LGUs para tutukan ang mga peste ng palay
Magkatuwang na tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Regional Crop Protection Center (RCPC) at Rice Program ang mga representante ng pambayang agrikultor ng mga lokal na pamahalaan sa probinsya ng Quezon, Batangas, at Laguna. Ito ay upang sanayin sila sa pamamahala ng mga peste at sakit ng palay, simula noong ika-9 hanggang ika-11 ng Hulyo sa Lucena City, Quezon.
Dito ay tinalakay ang estado ng mga peste ng palay na binabantayan ng RCPC sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon gaya ng rice leaffolder (maniniklop), rice bug (atangya ng palay), armyworm, at rice blast. Kalakip na rin dito ang mga estratehiya sa pamamahala nito sa ilalim ng Integrated Pest Management (IPM).
Pangunahing naging bahagi ng aktibidad ang isang field exercise kung saan tinukoy at sinuri ng mga partisipante ang isang palayan na kasalukuyang nagtataglay ng mga peste ng palay upang talakayin ang mga namamataang problema sa kabila nito.
Ayon kay Regional IPM Task Force Focal Person Sierralyn Sandoval, tinuruan nila ang mga agriculturist sa lokal ukol sa angkop na pagpaplano ng mga pamamaraan sa pagkontrol ng mga nakitang peste nang sa gayon ay maibahagi nila ito nang maayos sa mga magsasakang nasasakupan sa kani-kanilang bayan.
Samantala, inaasahan naman ang ikalawang pagsasagawa ng kaparehong aktibidad para sa batch 2 sa darating na ikatlong linggo ng Hulyo.