DA-4A, top 1 ng PCAF sa pinakamahusay sa pagsuri ng mga proyektong imprastraktura
Pinarangalan na top 1 ang Constructors’ Performance Evaluation System (CPES) Team ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa isinagawang Year-End Performance Review ng Philippine Council for Agriculture and Fisheries (PCAF) noong ikalawang linggo ng Disyembre sa Olongapo, Zambales.
Ang CPES Team ang sumisiguro sa kalidad ng mga proyektong imprastraktura ng Kagawaran kung saan sinusuri ang pagsunod ng mga konstruktor sa plano, disenyo, at materyales na naaaprubahan. Pinangungunahan ito ng Standards Regulations and Enforcement Section (SRES) ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED).
Ginawaran na “Outstanding CPES Implementor” ang DA-4A CPES Team tampok ang sampung ebalwasyon sa pito na proyektong imprastraktura ng Kagawaran simula Hulyo hanggang Disyembre ng taong 2024.
Kabilang sa mga proyektong ito ay mga diversion dam, biosecured and climate-controlled finisher operation facility, canal lining, agricultural trading center, at Small Water Impounding Project (SWIP), at iba’t ibang panig ng rehiyon.
Ayon kay PCAF OIC-Executive Director Julieta Opulencia, ang CPES ay hindi lamang paraan para tingnan ang performance ng mga konstruktor. Ito ang nagpapakita ng dedikasyon ng Kagawaran na magkaroon ng mga imprastraktura na matibay at magtatagal para sa ikabubuti ng pagsasaka, pangingisda, at komunidad.
#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS