Tuloy-tuloy ang implementasyon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng Urban at Peri-Urban Agriculture Program sa rehiyon alinsunod sa direktiba ni Secretary William Dar na siguruhin ang suplay ng sapat na pagkain, partikular ng mga gulay sa bansa.
Kaugnay nito, pinulong ng DA-4A ang mga city at municipal agriculturists noong ika-6 ng Hunyo upang kamustahin ang implementasyon ng urban agriculture project sa kanilang lugar.
Sa kabuuan, ang DA-4A ay nakapagtatag ng 70 communal gardens, 19 modernized urban agriculture sites, at 19 urban mushroom production houses sa 30 lungsod at munisipalidad sa rehiyon. Ang pondong nailaan para dito ay aabot sa P55,000,000.00.
Ayon kay OIC-Regional Technical Director for Operations Abelardo Bragas, napakahalaga ng programang urban agriculture dahil lubos na nakakatulong ito sa pagsiguro ng suplay ng pagkain.
“Ang Urban Agriculture ay mahalaga para sa ating lahat dahil nakapagbibigay ito ng ligtas, mabilis at malapit na access sa pagkain para sa lahat,” dagdag pa ni RTD Bragas.
Sa paglalahad ng mga city at municipal agriculturists tungkol sa mga naibabang interbensyon sa kanilang lugar sa ilalim ng urban agriculture project ay malaki ang naitulong at naidadag nito sa kanilang produksyon ng gulay.
Isa sa mga lungsod na nakatanggap ng interbensyon ay ang Imus, Cavite. Sila ay napagkalooban ng mga garden tools, drum, plastic mulch, organic fertilizer, grasscutter, multi-cultivator at sari-saring binhi para sa naitatag na communal garden.
“Ang kagandahan ng programang ito, ang inani natin sa communal garden, during the pandemic, ay nagamit bilang relief goods at ito ay naging alternatibong pinagkakakitaan din ng ating mga benepisyaryo,” pagbabahagi ni city agriculturist Robert Marges.
Isa pa sa naging benepisyaryo ay ang San Pedro, Laguna. Sila ay nakatanggap ng mga interbensyon upang makapagtatag ng apat na communal gardens, mushroom house, at modernized urban agriculture site.
“Malaki ang impact ng programang ito sa aming lungsod bilang isang highly urbanized area. Nabigyan ng dadag na kita ang aming mga kababayan at karagdagang mapagkukunan ng murang pagkain,” ani city agriculturist Enrique Layola.
Samantala, hinikayat ni OIC-Field Operations Division Chief Redelizza Gruezo ang bawat isa na patuloy na paunlarin ang urban at peri-urban agriculture sa kanilang lugar.
“Kasama po ninyo ang DA-4A sa hangaring mapalakas ang produksyon ng pagkain sa buong bansa at makakaasa po kayo na ibibigay natin ang buong suporta para sa mas masaganang ani at mataas na kita ng ating mga magsasaka at sapat na pagkain para sa lahat,” dagdag ni Chief Gruezo.
### (✍📸: Radel Llagas)