Katuwang ang University of the Philippines Los Baños Agricultural-Machinery Testing and Evaluation Center (UPLB-AMTEC), patuloy ang pagsasagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng system testing sa mga ipinagkakaloob na Solar-Powered Irrigation System (SPIS) para sa mga sakahan sa iba’t-ibang panig ng rehiyon.
Sa halip na gumamit ng gasolina sa engine pump na nagpapatakbo ng tubig mula sa mga bukas na pinagkukunan (gaya ng ilog at lawa) papuntang sakahan, ang SPIS ay isang sistema ng irigasyon na binubuo ng solar panel na gumagamit ng sikat ng araw upang makalikha ng elektrisidad na siyang nagpapatakbo rito.
Bago tuluyang maipagkaloob sa mga sakahan ang SPIS, sumasailalim ito sa isang system testing na nagsisilbing pagsusuri at ebalwasyon sa kalidad nito. Pinangungunahan ito ng mga teknikal na kawani mula sa UPLB-AMTEC at DA-4A Regional Agricultural Engineering Division (RAED).
Ang system testing ay bahagi ng Memorandum Order (MO) No. 35, Series of 2018 o “Guidelines on AMTEC Testing and Evaluation of Irrigation Systems, Processing Facilities and other Agricultural Systems of the like in the Department of Agriculture, its Regional Field Offices, Attached Agencies, Bureaus and Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCS)”. #### (Danica Daluz RAED)