DA-4A, UPLB magkatuwang sa pagsusulong ng edible landscaping tungo sa laganap na urban agriculture sa rehiyon

 

 

Magkatuwang ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) at University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa paglulunsad ng Edible Landscape Demo Garden sa tanggapan ng Kagawaran sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES), Brgy. Marawoy, Lipa City, Batangas noong ika-9 ng Setyembre.

Layon nitong isulong ang pagsasagawa ng edible landscaping na maaaring pagkunan ng pagkain na pagkakakitaan at mabuti sa kalusugan ng bawat indibidwal at komunidad. Ito ay sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga demo garden kabilang ang bawat tanggapan ng DA sa buong bansa.

Nakita ang potensyal ng pagsasakatuparan ng edible landscaping sa DA na pinondohan ng DA- Bureau of Agricultural Research (DA-BAR) batay sa mga umiiral na programa ng Kagawaran ukol sa pagpapalaganap ng urban agriculture gaya ng Gulayan sa Paaralan at Gulayan sa Barangay ng National Urban and Peri-urban Agriculture Program (NUPAP).

Ayon kay UPLB Edible Landscaping Project Leader Dr. Fernando C. Sanchez Jr., bahagi rin ng proyekto ang paghikayat sa mga kabataan na magtanim ng sariling kakainin at pumasok sa sektor ng agrikultura nang sa gayon ay masiguro na walang Pilipino ang magugutom sa paglipas ng mga henerasyon.

Hinimok naman ni OIC-Regional Executive Director Fidel Libao ang bawat kawani ng gobyerno na manatiling ehemplo hindi lamang sa bawat opisina kundi pati sa kani-kanilang pamilya at pamayanan. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)