Nakiisa ang Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon Bilang 4-CALABARZON (DA CALABARZON) sa pagpupulong at pagdiriwang ng “Rabies Awareness Month of CALABARZON” na may temang “Makiisa sa Baranggayan Kontra Rabies, Maging Responsableng Pet Owner” na ginanap sa San Pablo City Hall, Laguna noong Marso 8, 2019. Dinaluhan ito ng mga panlalawigang beterinaryo at ilang panlungsod at pambayang beterinaryo ng nasabing rehiyon, kasama ang ilang opisyal ng Kagawaran.
Ayon kay Vilma M. Dimaculangan, Coordinator ng Livestock Program ng Kagawaran, malaki ang papel na ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan partikular ang mga beterinaryo upang mas epektibong maipatupad ng Kagawaran ang kampanya kontra rabies. “Sila (mga beterinaryo) ang unang tatakbuhan ng komunidad upang bigyan ng bakunang kontra-rabies ang kanilang mga alagang hayop,” sabi ni Dimaculangan.
“Lubos na nakakatulong din ang ating mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng pagsasabatas ng mga ordinansang naka-angkla sa paglaban sa rabies katulad ng pagpapatayo ng mga animal pound at pag-supply ng kanilang bakuna,” dagdag ni Dimaculangan.
Inilahad naman ni Dr. Jerome Cuasay ng Livestock Program ang mga hakbanging ginagawa ng Kagawaran upang mapigilan ang pinsala ng rabies sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga bakuna ng hayop kontra rito sa mga beterinaryo sa rehiyon.
Tampok din sa alituntunin ang makabuluhang paglagda ng mga nagsidalo sa “Commitment to OPLAN RED (Operational Plan for Rabies Elimination in Dogs) in CALABARZON.”
Sa pagpapabakuna ng ating mga alagang hayop ay nakakatulong tayong protektahan ang ating komunidad sa rabies. • RFL