DA-PRDP 4A, DA-PCC, PLGUs, patuloy ang pag-aaral sa dairy carabao value chain sa Calabarzon
Sinimulan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office Calabarzon (DA-PRDP 4A), DA – Philippine Carabao Center (DA-PCC), at mga provincial local government units (PLGUs) ang pagkuha ng pinakabagong impormasyon tungkol sa industriya ng dairy carabao sa Calabarzon. Ito ay bahagi ng updating ng Dairy Carabao Value Chain Analysis (VCA) in Calabarzon na isa sa mga pinagbabatayan ng mga interbensyon ng DA at ng mga lokal na pamahalaan para sa sektor ng agrikultura at isdaan.
Ang VCA ay isang masusing pag-aaral na nagpapakita ng mga pinagdaraanang proseso ng isang produktong agrikultural mula sa pagkuha ng inputs hanggang sa marketing, ugnayan ng mga prodyuser, trader, processor, etc., mga problemang nararanasan sa industriya, at mga oportunidad tungo sa pag-unlad.
Nagsagawa ng interviews sa bawat probinsya ang DA-PRDP 4A, DA-PCC, at PLGUs sa mga gumaganap sa dairy carabao value chain tulad ng mga input suppliers, nag-aalaga ng gatasang kalabaw, processors, retailers, wholesalers, enablers, atbp. Tinalakay dito ang kanilang mga karanasan at mga kuro-kuro sa buong daloy ng produktong dairy carabao mula sa pagsusuplay ng mga kagamitan at stock sa paggagatas hanggang sa pagbebenta. Kinonsulta rin ang mga kalahok tungkol sa kanilang mairerekumendang interbensyon tungo sa pag-unlad ng industriya.
Inaasahang matatapos ang pag-aaral sa susunod na taon. Sa ngayon ay mayroon nang 15 VCAs ang DA-PRDP 4A sa mga sumusunod: coffee, virgin coconut oil, banana, mangga, seaweeds, pineapple, cacao, chicken egg, broiler chicken, lowland vegetables, beef cattle, dairy cattle, abaca, goat, at coconut oil. Dito nakabatay ang mga proyektong imprastraktura at negosyo na pinopondohan ng DA-PRDP at ng mga Provincial Commodity Investment Plans (PCIPs) ng mga lokal na pamahalaan na naglalaman ng mga investments at interbensyon para sa kanilang lokalidad.
Kung kasama ang anumang nabanggit na commodity tulad ng dairy carabao sa PCIP ng probinsya, maaaring magmungkahi ng proyekto ang mga LGUs o farmers cooperatives and associations (FCAs) para sa DA-PRDP Scale-Up. Makipag-ugnayan lamang sa tanggapan ng DA-PRDP 4A sa Department of Agriculture – Regional Field Office Calabarzon, Brgy. Maraouy, Lipa City, Batangas o magpadala ng e-mail sa prdprpco@gmail.com.#