Sinanay ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Regional Project Coordination Office Calabarzon (RPCO-4A), katuwang ang Department of Science and Technology – CALABARZON (DOST-4A), at Food and Drug Administration (FDA), ang siyam na farmers cooperatives and associations (FCAs) sa pagsasanay sa food processing.
Ang mga kalahok na FCAs ay benepisyaryo ng proyektong pang-negosyo ng DA-PRDP na nakatuon sa produksyon at pagproproseso ng produktong agrikultural. Ito ay upang mabigyan sila ng kakayanan sa pagpapaunlad ng kanilang pagproproseso at sa pagpapataas ng kalidad ng kanilang mga gawang produkto. Ito rin ay upang maihanda sila sa pagkuha ng mga sumusunod na lisensya ng FDA: License to Operate at Certificate of Product Registration.
“Bukod sa production, kailangan ding isaalang-alang ang safety ng producer and consumers to promote food security. Kailangang maganda rin ang porma ng samahan para maayos na ma-implement o maipatupad ang Good Agricultural Practices and Good Manufacturing Processes,” bahagi ni DA Regional Field Office CALABARZON at DA-PRDP Project Support Office South Luzon Director Milo delos Reyes.
Ang mga samahang lumahok ay ang mga sumusunod: Aga Farmers Multi-purpose Cooperative (coffee), Magsasakang Tanaueño Agricultural Marketing Cooperative (mango puree), Tanauan Organic Natural Farming Association (banana chips), at Samahan ng Maggagatas ng Batangas Dairy Cooperative (processed milk) mula sa Batangas, Quezon Federation and Union of Cooperatives (VCO), Guinayangan Coffee Agri-farmers, Processors, and Entrepreneurs Agriculture Cooperative (coffee), Cacao Growers’ Association of Lopez (tablea), at Samahan ng Magsasaka ng Barangay Nieva (processed pineapple) mula sa Quezon, at Luisiana Cacao Grower Producers Cooperative (tablea) mula sa Laguna.
“Nagpapasalamat kami sa training na ito dahil mas makakapaghanda na kami para sa pagproproseso ng aming mangga upang maging puree at mapalisensyahan ang aming operasyon,” bahagi ni Maricar Maranan, miyembro ng Magsasakang Tanaueño Agricultural Marketing Cooperative.#