Tungo sa mas moderno at sustenableng sektor ng agrikultura at isdaan sa rehiyon, nagsagawa ng oryentasyon ang Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Calabarzon (DA-PRDP 4A) tungkol sa DA-PRDP Scale-Up kasama ang mga kinatawan ng pamahalaang panlalawigan ng Rizal.
Ang DA-PRDP Scale-Up ay isang proyekto ng World Bank at DA na nagpopondo at nagpapatupad ng mga proyektong magsasaayos, magpapabilis, at magpapalawak ng daloy at bentahan ng mga produktong agrikultural at isda sa komunidad. Upang makasabay ang sektor sa modernong panahon at mapanatili ang pag-unlad nito, mas pinagtibay at pinalawak ang proseso sa DA-PRDP Scale-Up gamit ang mga makabagong tools at mas malalim na pagtingin sa iba’t-ibang aspeto ng agrikultura at isdaan tulad ng climate change at clustering at consolidation.
Tinalakay sa oryentasyon ang proseso ng pagpaplano (I-PLAN), mga proyektong pang-negosyo (I-REAP), mga proyektong imprastraktura (I-BUILD), monitoring and evaluation ng mga proyekto, at mga tungkulin ng mga lokal na pamahalaan na makikipagtulungan sa DA-PRDP. Pinag-usapan din ang mga susunod na hakbang ng Rizal PLGU kung sakaling magmungkahi sila ng kanilang kauna-unahang DA-PRDP Scale-Up subproject sa probinsya.
Nagpakita ng interes ang mga kinatawan ng Rizal PLGU sa proyekto. Ibinahagi nila na maaaring makatulong ang proyekto sa kanilang mga produktong mangga at pinya partikular na sa pagproproseso at marketing nito. Upang masigurado ang kanilang kahandaan, inihayag ni Rizal Provincial Agriculturist and Veterinarian Dr. Reynaldo Bonita na magsasagawa sila ng mga pagsusuri at pagpupulong tungkol sa proyekto kasama ang gobernador.#