Tungo sa mas maunlad, moderno, at produktibong sektor ng agrikultura sa Calabarzon, patuloy na hinihikayat ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office Calabarzon (DA-PRDP 4A) ang mga lokal na pamahalaan at mga farmers cooperatives and associations (FCAs) na magmungkahi ng mga proyekto na maaaring pondohan sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up.
Ang PRDP Scale-Up ng DA at World Bank ay ang mas pinalawak na bersyon ng DA-PRDP na naglalayong pabilisin ang daloy ng mga produktong agrikultura mula produksyon hanggang pagbebenta upang masiguro ang suplay ng pagkain sa mga pamilihan sa abot-kayang presyo, at pataasin ang kita ng mga magsasaka at mangingisda. Mas tututukan nito ang pagpapatatag ng sektor sa mga sumusunod na aspeto, pagmimitiga sa epekto ng climate change, pagpapalakas ng industriya ng palay at mais, at mga clustered na samahan ng mga magsasaka. Magsisimula na ang implementasyon nito sa susunod na taon.
Karagdagang 17 LGUs at 2 FCAs ang binisita ng DA-PRDP 4A upang ipakilala ang nasabing proyekto. Ilan sa mga ito ay may mga plano nang proyektong imumungkahi sa PRDP Scale-Up tulad ng farm-to-market roads, potable water system, trading posts, slaughterhouse, food terminal, integrated swine production and marketing, atbp. Ayon kay DA-PRDP 4A Project Director Engr. Marcos Aves, Sr., handang magbigay ng mabilis at makabuluhang suporta ang tanggapan sa mga LGUs at FCAs na magmumungkahi ng proyekto upang ito ay maisakatuparan.
Para sa mga nais magpasa ng proyekto para sa DA-PRDP Scale-Up, makipag-ugnayan lamang sa DA-PRDP 4A na matatagpuan sa Department of Agriculture Regional Field Office CALABARZON Lipa Agriculture Research and Experiment Station sa Brgy. Maraouy, Lipa City, Batangas o magpadala ng e-mail sa prdprpco4a@gmail.com.#