Tungo sa mas mahusay pang pagtugon sa sektor ng agrikultura at isdaan, sinanay ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) ang mga kinatawan ng iba’t-ibang opisina at programa ng DA Regional Field Office Calabarzon (DA-4A) sa paggawa ng climate-resilient agro-industry oriented value chain analysis (I-VCA). Isa ito sa mga hakbang na tinatahak ng DA-PRDP sa pag-mainstream ng mga makabagong pamamaraan at instrumentong ginagamit nito sa regular na operasyon ng DA-4A.
Ang I-VCA ay isang pag-aaral na dinedetalye ang buong prosesong pinagdaraanan ng isang produkto o serbisyong agrikultural mula sa pagkuha ng inputs hanggang pagdala nito sa konsyumer. Layon nitong makatulong sa pagdagdag ng halaga ng mga produkto o serbisyo at sa pag-benepisyo sa mga gumaganap sa value chain. Nagsisilbi din itong basehan ng DA-PRDP sa pag-apruba at pagpondo ng mga mungkahing proyekto ng mga LGUs o FCAs para sa lokal na sektor ng agrikultura at isdaan.
Ibinahagi ng mga kalahok ang kanilang interes sa paggawa ng I-VCA at pagnanais na maging bahagi ito ng kanilang regular na operasyon. Ayon sa kanila, mas malalim at malawak ang pagtingin at pagtalakay ng I-VCA sa industriya ng iba’t-ibang commodities kaya malaki ang maitutulong nito sa pagtukoy ng mga akmang interbensyon na talagang tutugon sa mga pangangailangan at potensyal ng sektor sa rehiyon.
Noong mga nakaraang taon, nagsagawa din ng katulad na pagsasanay ang DA-PRDP para sa mga provincial local government units ng rehiyon. Nito lamang, inimbita rin ng DA-PRDP ang mga kinatawan ng DA-4A at LGUs sa pagbuo ng mga VCAs na ginagawa nito tungkol sa cacao at itlog ng manok. Sa mga darating na buwan naman, magsasagawa pa ng mga karagdagang trainings ang DA-PRDP sa paggawa ng Provincial Commodity Investment Plan at Regional Agriculture and Fisheries Investment Portfolio kasama muli ang DA-4A at PLGUs.#