DA-PRDP, sinanay ang mga FCAs sa Quezon, Laguna tungo sa paglago ng kanilang agri enterprises
Tatlong farmers and fisherfolk cooperatives and associations (FCAs) sa Quezon at Laguna na namamahala ng mga proyektong negosyong pinondohan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) ang sumailalim sa mga pagsasanay patungkol sa pagnenegosyo, pamamahala ng samahan, produksyon, at processing ng produkto nitong Setyembre. Ang mga nasabing pagsasanay ay pinangunahan ng DA-PRDP, tungo sa pagpapaunlad ng pamamahala at operasyon ng mga proyektong negosyo at kalidad ng mga produktong mula sa mga ito.
Ang mga FCAs mula sa Quezon ay ang Samahan ng Magsasaka ng Brgy. Nieva sa General Luna at ang Cacao Growers Association of Lopez (CGAL) sa Lopez. Nagsanay ang mga grupo sa pag-update ng kanilang marketing plans, pagsasaayos ng kanilang pagproproseso ng pinya at cacao, at pagkwe- kwenta ng product cost. Samantala, nagsagawa rin ang DA-PRDP ng organizational development sessions sa mga grupo upang mapanatiling organisado at nagkakaisa ang mga miyembro sa pagtupad ng kanilang mga layunin para sa kanilang negosyo.
Lumipad naman sa Kabacan, North Cotabato ang Luisiana Cacao Grower Producers Cooperative (LCGPC) at CGAL upang magsanay tungkol sa produksyon, pagbuburo, at pagtutuyo ng cacao at bean grading. Kasama ang mga eksperto sa pagka-cacao, sumailalim sa masinsinang training ang mga grupo upang makagawa ng kalidad na buto ng cacao at mga produktong papatok sa mas malalaking merkado.
“Nagpapasalamat po kami dahil natutunan namin kung anu-ano ang mga tamang paraan upang mapantayan ang hinahanap na quality ng cacao sa merkado at nang maitaas rin namin ang presyo
ng aming mga produkto. Salamat sa DA- PRDP sa lahat ng suporta para sa mga Pilipinong nagnanais na mapaunlad ang kanilang mga kabuhayan, cooperative, o asosasyon,” ani Ireneo Veluz ng LGCPC. Pinamamahalaan ng mga nasabing FCAs ang mga sumusunod na proyekto: Pineapple Processing in General Luna, Quezon, Lopez Tablea Production, at Luisiana Tablea Factory na may halagang PhP29,493,207. Mula sa mga ito, nakatanggap ang mga grupo ng gusali, makina, at kagamitan para sa pagproproseso.
Sa mga darating na buwan, may mga nakaabang pang pagsasanay para sa mga FCAs mula sa DA- PRDP. Kamakailan lamang ay nagtapos ang ilang mga FCAs sa mga pagsasanay ng DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon at ng Department of Science and Technology Calabarzon sa Food Processing and Safety.#