Inaasahang uunlad pa ang industriya ng niyog sa Quezon matapos buksan ang proyektong Processing and Marketing of Virgin Coconut Oil in Quezon Province na pinagtulungan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project, Quezon Federation and Union of Cooperatives, at ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon.
Binubuo ang proyekto ng isang processing facility sa Brgy. Pinagbahaan, Pagbilao, Quezon, mga processing equipment, at kagamitan na nagkakahalaga ng Php 70,525,000.10. May kapasidad itong magproseso ng 15,000 whole nuts kada araw na makakagawa ng 2,000 litro ng VCO. Dahi dito, inaasahang magiging malaking merkado ito para sa mga aning niyog hindi lamang sa probinsya ng Quezon, kundi pati na rin sa buong Calabarzon.
Sa kasalukuyan, nakipagkasunduan na ang QFUC sa apat na miyembrong kooperatiba nito na maging supplier ng pasilidad. Samantala, nagsasanay at nagkukumpleto rin ng mga dokumento ang QFUC upang makakuha ng mga kailangang lisensya upang makapagbenta ng VCO sa mas malaking merkado.
“Lubos po naming binabati ang QFUC sa kanilang tagumpay na ito. Patuloy pong magbibigay ng suporta ang DA-PRDP at DA Regional Field Office 4A sa enterprise na ito at sa coconut production and marketing upang maging sustenable ang pag-unlad at pagkita ng ating mga magsasaka,” pahayag ni DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon Deputy Project Director Engr. Redelliza Gruezo.
Taos-pusong pasasalamat ang hatid ni QFUC Board of Directors President Paz Bobadilla sa lahat ng mga tumulong sa kanilang maisakatuparan ang kanilang proyekto. Aniya, malaki rin ang maitutulong ng proyekto sa pagpapatuloy ng produksyon ng niyog sa Quezon dahil bukod sa kopra, may bagong produktong magagawa mula sa kanilang mga aning niyog, ang VCO. Tungo sa kanilang pag-unlad, hinimok nya ang mga miyembrong kooperatiba na patuloy na makipagtulungan at sumuporta sa kanilang proyekto.#