Ang paglalahad ng mga direktiba ng pangulo ng Pilipinas at kalihim ng Department of Agriculture (DA), Ferdinand Marcos Jr. tungo sa pagpapalakas ng produksyon ng pagkain at pagbibigay ng suporta sa mga magsasaka at mangingisda ang naging pangunahing usapin sa ginanap na pagpupulong ng DA-Regional Management Committee (RMC) ng CALABARZON noong 13 Septyembre 2022.

Sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Engr. Abelardo Bragas, tinalakay ang ilan sa mga direktiba na nakapokus sa pagsasaayos ng irigasyon ng patubig sa sakahan, pagbabantay ng presyo sa merkado at pagsisiguro ng patuloy na paghahatid ng mga interbensyon gaya ng tulong-pinansyal at fuel discount sa mga magsasaka.

“Pagtuunan natin ang mga collaborative na programa ng kagawaran kaakibat ang mandato ng ating pangulo para sa tuloy-tuloy na pagtugon sa pangangailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Director Bragas.

Binuo ang pulong ng mga opisyal at representante mula sa iba’t-ibang ahensya sa ilalim ng DA sa rehiyon. Ito ay ang Agricultural Credit Policy Council (ACPC), Agricultural Training Institute (ATI), Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS), Bureau of Animal Industry (BAI), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Bureau of Plant Industry (BPI), Bureau of Soils and Water Management (BSWM), Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), National Food Authority (NFA), National Irrigation Authority (NIA), National Meat Inspection Service (NMIS), Philippine Coconut Authority (PCA), Philippine Carabao Center (PCC), Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Philippine Statistics Authority (PSA), at Sugar Regulatory Authority (SRA).

“Maraming salamat sa aktibong pagdalo ng mga miyembro ng RMC. Ito ay malaking oportunidad para magpalitan ng opinyon sa mga plataporma ng DA kasama ang bawat ahensya sa rehiyon at nasyonal,” ani OIC-RTD for Operations and Extension Engr. Marcos Aves.

Ilan pa sa naging bahagi ng usapin ang update sa mga panukala ng BFAR, mga nabuong kasunduan sa pagpupulong ng mga stakeholder ng swine at poultry sa rehiyon, at ang Coconut Farmers Industry Development Plan (CFIDP) ng PCA.