Binisita at nakiisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ginanap na “Harvest Festival” ng Rizal Mango Stakeholders’ Association (RIMASA) sa Tanay, Rizal noong ika-11 ng Pebrero. Ito ay pinangunahan ni DA Assistant Secretary (ASec.) for Operations at DA-4A Regional Executive Director (RED) Engr. Arnel V. de Mesa.
Ang RIMASA ay isa sa mga top producer ng mangga sa rehiyon na ginagabayan at tinutulungan ng Kagawaran sa ilalim ng High Value Crops Development Program (HVCDP). Sila ay nakatanggap ng mga kagamitan gaya ng mini chainsaws, grass cutters, power sprayers, at pataba mula sa DA-4A.
Ayon kay G. Rosendo Bernabe, presidente ng RIMASA, ang mga interbensyong ito ay nakatulong sa 41 myembro ng samahan upang patuloy na i-rehabilitate ang mga matatandang puno ng mangga at palakasin at pagandahin ang kanilang produksyon.
“Sa ngalan ng RIMASA, kami po ay taos pusong nagpapasalamat sa Kagawaran. Kayo naman po ay makakaasa na patuloy nating papalakasin ang produksyon ng mangga,” ani G. Bernabe.
Base sa datos ng RIMASA noong nakaraang taon, sila ay nakapag-produce ng aabot sa 2,225.56 metro toneladang mangga o katumbas ng 111,278 crates ng mangga.
Samantala, pinuri ni ASec./RED de Mesa ang mga magmamangga dahil sa kanilang kasipagan at patuloy na pagtataguyod ng industriya ng pagmamangga sa rehiyon.
“Kayo ay isang magandang patunay na mas nagiging sustainable ang mga proyekto ng Kagawaran kung ibinibigay ito sa mga organisadong samahan,” ani ASec./RED de Mesa.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Tanay Vice Mayor Hon. Rafael A. Tanjuatco, DA-4A OIC-RTD for Operations Engr. Abelardo R. Bragas, OIC-Fiedl Operations Division (FOD) Chief Engr. Redelliza A. Gruezo, OIC-FOD Asst. Chief G. Fidel L. Libao, Rizal Agricultural Program Coordinating Officer Bb. Mary Ann Gajardo, at iba pang kawani ng DA-4A.
#### (✍Radel F. Llagas 📸Jayvee Ergino/Bettina Perez)