Dalawang YFC awardee sa CALABARZON, wagi sa buong Pilipinas

 

 

Dalawang representante ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang nagkamit ng parangal sa Young Farmers Challenge (YFC) National Competition noong ika-17 ng Hulyo sa Baguio City.

Tinatayang ₱500,000 ang natanggap ng Hiyas Urban Mushroom Farm nina Jeck Iyas at Ma. Regina Patungan mula sa probinsya ng Rizal na ginawaran bilang Top 3 sa kategoryang YFC Upscale sa buong Pilipinas. Ilan sa mga produkto nilang kinilala ay ang bagoong, chicharon, polvoron, atchara, at cracker.

 

Samantala, pinarangalan din ang Banahaw Creations ni Queen Anne Xyza Salayo mula sa probinsya ng Quezon ng Excellence in Product Packaging and Labelling Enterprise sa kategoryang YFC Start Up tampok ang kanilang anim na flavored Fried Rice Seasoning paste.

Ang YFC ay isang kompetisyon na inilunsad ng DA upang hikayatin ang mga kabataang pumasok sa sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagtulong sa pinansyal at teknikal na aspeto ng mga agribusiness. Ang Start Up ay para sa mga nagsisimula pa lamang na negosyo habang ang Upscale naman ay para sa patuloy na pagbibigay suporta sa mga umiiral nang negosyo.

Ayon kay Ms. Patungan ng Hiyas Urban Mushroon Farm, ang pagsali sa YFC ang nagsilbing pag-asa nila na palakihin at ipakilala pa ang mga produkto hindi lamang sa buong rehiyon kundi sa bansa. Aniya, makakaasa ang Kagawaran na buo ang kanilang panata sa walang sawang pagpapaunlad ng agribusiness.

 

(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)