FCAs sa Quezon, Laguna ipinakilala ang mga produktong niyog at cacao sa AgriLink 2024
Ipinakilala ng dalawang farmers and fisherfolk cooperatives and associations (FCAs) ang kanilang mga produktong virgin coconut oil at cacao sa AgriLink 2024, ang pinakamalaking agribusiness trade fair sa bansa na ginanap sa World Trade Center, Pasay City. May temang “The Best of Philippine Agri to the World,” ang AgriLink ay naglalayong isulong ang mga lokal na mga produktong agrikultural sa mas malalawak na merkado tungo sa pag-unlad ng ekonomiya at pagpapatuloy ng produksyon ng pagkain sa bansa.
Ang mga nasabing samahan ay ang Quezon Federation and Union of Cooperatives (QFUC) mula sa Pagbilao, Quezon at ang Luisiana Cacao Grower Producers Cooperative (LCGPC) ng Luisiana, Laguna. Parehong namamahala ang mga samahan ng mga proyektong negosyo mula sa Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project na nagkakahalaga ng PhP 79,047,462.24. Sa pamamagitan ng mga ito, nakakapagproseso sila ng mga ani upang maging pangbentang mga produkto na may mas mataas na halaga.
Ibinenta ng mga FCAs ang mga sumusunod na produkto: virgin coconut oil (VCO) massage oil, edible VCO, tablea, dark chocolate, choco oatmeal balls, at cacao tea. Nakabenta ang QFUC ng PhP 14,355.00 at ang LGPC naman ay nakabenta ng PhP 21,825.00. Bukod sa marketing, nakipag-ugnayan rin ang mga samahan sa mga potensyal na suppliers, partners, at resellers na umaabot hanggang Camarines Norte at Davao.
Pinasalamatan ng mga grupo ang Department of Agriculture Regional Field Office IV- Calabarzon Agribusiness and Marketing Assistance Division sa pag-imbita sa kanila sa aktibidad. Anila, ang kanilang mga naging karanasan ay nagsisilbi sa kanilang inspirasyon upang pagandahin pa ang kalidad ng kanilang mga produkto at paghusayin pa ang kanilang marketing. Kasalukuyan, inaasikaso ng mga grupo ang kanilang aplikasyon upang makakuha ng License to Operate mula sa Food and Drug Administration. Kapag nakuha na nila ito, plano ng mga grupo na magbenta na rin ng produkto sa mga online platforms.#