FCAs, sinanay sa production, processing, internal capitalization ng PRDP 4A

 

 

 

Naghatid ang Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office Calabarzon (DA-PRDP 4A) ng mga pagsasanay sa produksyon at processing ng cacao at internal capitalization sa mga katuwang nitong samahan ng magsasaka sa rehiyon. Layon nitong mabigyan ang mga samahan ng teknikal na kaalaman at kakayahan upang mapaunlad at mapagtibay pa ang kanilang mga proyektong processing at negosyo hatid ng DA-PRDP.

 

Ang mga samahang Cacao Growers Association of Lopez (CGAL) ng Lopez, Quezon at Luisiana Cacao Grower Producers Cooperative (LCGPC) ng Luisiana, Laguna ang sumailalim sa training sa cacao production and processing. Dito ay tinuruan sila ng mga tamang pamamaraan sa pamamahala sa taniman ng cacao, pag-ani sa mga bungang cacao, pag-iwas at paglunas sa peste at sakit, at pagtingin sa kalidad ng mga bunga. Samantala, sa processing naman ng cacao, nagbigay ang DA-PRDP ng mga payo upang maisaayos at gawing mas organisado ang kanilang mga proseso. Sa pamamagitan ng mga ito, mapapanatili ng mga samahan ang tuloy-tuloy na produksyon ng cacao at ang mataas na kalidad ng kanilang mga produkto.

 

Sumailalim naman ang Samahan ng Maggagatas ng Batangas Dairy Cooperative ng Tanauan, Batangas at ang LCGPC sa training tungkol sa internal capitalization kasama ang Agriterra, isa sa mga katuwang ng DA-PRDP. Layon nitong mabigyan ang mga kooperatiba ng mga kakayahang makabuo ng mga istratehiya upang mapalago ang kanilang mga puhunan partikular na mula sa kanilang mga miyembro at magkaroon ng oportunidad na makakuha ng karagdagang kapital mula sa mga pinansyal na institusyon.

 

β€œMalaki po ang pasasalamat namin sa DA-PRDP dahil bukod sa mga pasilidad at kagamitang aming natanggap para sa aming produksyon at processing, patuloy nila kaming tinutulungan upang ang aming negosyo dito ay magtuloy-tuloy at patuloy na lumago,” ani Maria Teresa Magpantay, miyembro ng SAMABACO.