Food Lane Accreditation, isinusulong ng DA-4A para sa mga biyahero ng rehiyon
Isang makabuluhang talakayan ang naganap sa pagitan ng mga bagong aplikanteng biyahero ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan, at mga katuwang na ahensya ng Food Lane Project (FLP) sa isinagawang oryentasyon na pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-11 ng Setyembre sa Argosino Hall, Lipa Agricultural Research and Experiment Station, Batangas.
Ayon kay AMAD OIC-Chief G. Justine Vivas, ang akreditasyon ay nagpapahintulot sa kagawaran at mga katuwang na ahensya na mas epektibong matugunan ang pangangailangan ng mga biyahero ng CALABARZON, na may layuning masiguro ang ligtas na suplay ng produktong agrikultura at pangisdaan sa ilalim ng FLP.
Ang pagtitipon ay nagbigay-daan upang mapalawig ang kaalaman ng mga dumalo hinggil sa mga alituntunin at proseso ng Food Lane Accreditation at batas-trapiko at kanilang mga karapatan sa bawat uri ng kalsada sa buong bansa.
Nagsilbing tulay ng komunikasyon sina Metro Manila Development Authority Chief Inspectorate G. Miguel Panal; Department of Interior and Local Government Local Government Operations Officer III G. Matthew Galasinao, at Philippine National Police Police Executive Master Sergeant Lian Manalo.
Bahagi rin ng aktibidad ang pagtalakay ng mga pamamaraan at patnubay upang mapabilis ang proseso ng akreditasyon, na naglalayong suportahan ang kalakalan at transportasyon ng mga produkto sa iba’t ibang rehiyon.
Ang mga dumalong aplikante ay nagmula naman sa iba’t-ibang transport companies gaya ng Khaleesi Trucking Services, Reylen Rice Trading, MRZ Transport Services, Star Queen Trucking, at Cobb Vantress Philippines Inc.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)