GAD Seminar para sa mga kawani ng DA CALABARZON
Dalawang araw na seminar tungkol sa Gender and Development (GAD) ang isinagawa noong Nobyembre 23-24, 2018 sa Tanza Oasis Hotel and Resort, sa lalawigan ng Cavite na dinaluhan ng ilan sa mga kawani ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON.
Adhikaing ipakilala sa lahat ng dumalo ang pantay na karapatan at ang kabutihang dulot nito sa pag-unlad ng tanggapan at ng lipunan. Ang seminar ay pinangunahan ng Hepe ng Administrative at Finance Division na si Felix I. Ramos.
Samantala, sa kaniyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ng Hepe ng Personnel Section na si Florencia L. Bas na ang kaya nating gawin nang sabay-sabay kahit anuman ang ating kasarian ay ang tapat na paglilingkod sa ating organisasyon o ahensiyang ginagalawan at pagmamahal sa ating pamilya.
Ang seminar ay dinaluhan ng mahigit 150 mga kawani at ang mga naging tagapagsalita rito ay sina Christian D. Aquilo, isang guro sa Trece Martires National High School; at Alain Callos na isa namang Deep Nerve Therapist.