Para sa tuluyang rehabilitasyon ng sektor ng pagbababuyan sa CALABARZON, sa ilalim ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Program ng Department of Agriculture-National Livestock Program, nakatanggap ng Php5,500,000.00 ang LIMCOMA Multi-Purpose Cooperative (MPC) para sa pagpapatayo ng Bio-secured and Climate-Controlled Finisher Operation Facility.
Nagkaroon ng groundbreaking ceremony bilang tanda ng pagsisimula ng konstruksyon ng nasabing pasilidad na pinangunahan ni DA IV-CALABARZON (DA-4A) Farmer-Director Pedrito R. Kalaw at LIMCOMA MPC Chairman Dr. Alan M. Japor.
“Sa pamamagitan ng INSPIRE Program at pakikipagtulungan ng industry stakeholders sa pagbababuyan, gaya ng LIMCOMA, ay sigurado ako na muling makakabangon ang sektor ng pagbababuyan!,” ani Farmer-Director Kalaw.
Bilang parte ng kasunduan, naglaan naman ng 2,000 metriko kwadradong lupa ang LIMCOMA kung saan itatayo ang nasabing pasilidad sa Brgy. Sta. Cruz, Rosario, Batangas.
“Maraming salamat sa tiwalang ibinigay ninyo (DA) sa amin. Makakaasa kayo na maganda ang magiging resulta nito at maipamamahagi natin ito sa mga dapat puntahan ng kikitain dito,” ani Dr. Japor.
Kabilang sa mga dumalo sa nasabing aktibidad sina DA-4A Livestock Program Coordinator Dr. Jerome G. Cuasay at iba pang empleyado ng LIMCOMA at DA-4A.