“Mahalaga ang pagkalap ng datos upang magkaroon ng magandang basehan at direksyon ang implementasyon ng isang programa.”
Binigyang diin ito ni G. Antonio I. Zara, coordinator ng Halal Program ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) sa ginanap na consultative meeting tungkol sa paglalatag ng Halal Program Database sa rehiyon. Dinaluhan ito ng mga agricultural program coordinating office, mga banner program, at iba pang opisina ng DA-4A.
Ang Halal Program Database ay isang digital na sistemang maglalaman ng lahat ng datos na kaugnay sa Halal Program mula sa iba’t ibang opisina ng DA-4A. Magsisilbi itong instrumento sa pagpaplano, pagsasaliksik, at pag-implementa ng Halal Program sa rehiyon.
Prinisenta ni Bb. Geraldine Torio ng Planning, Monitoring, and Evaluation Division-Management Information System (PMED-MIS) Unit ang planong istruktura ng Halal Program Database. Alinsunod sa sinabi ni G. Zara, iminungkahi niya na makakatulong ito sa DA-4A upang mas direktang matugunan ang mga pangangailangan ng sektor.
“Dahil lahat ay mako-cover ng database, mas makikita natin ang isyu ng bawat isa, at ng sektor sa kabuuan,” ani Bb. Torio.
Hinimok ni G. Zara ang lahat na tulungan sila sa paglikom ng mahahalagang datos upang mabuo ang database at sa pag-mobilisa sa sektor na makiisa sa Halal Program. Nagpakita ng suporta ang lahat lalo na si Dr. Linda Lucela, hepe ng Regulatory Division, at Bb. Julany G. Castillo ng PMED. Bukod sa database, tutulong din si Dr. Lucela sa pagsasaayos ng Halal Program sa rehiyon. Samantala, nagbigay ng payo si Bb. Castillo na i-integrate ang mga database ng DA-4A upang mas mapadali ang pagkuha ng impormasyon sa iba’t ibang sektor.
Iminungkahi nina Engr. Marcos C. Aves, Sr., Regional Technical Director for Research and Regulations at Engr. Redelliza A. Gruezo, hepe ng Field Operations Division, na magtulungan ang lahat ng opisina lalo na ang mga banner program dahil konektado ang kanilang mga commodity sa Halal products. Ayon sa kanila, mahalagang suportahan nila ang bawat isa upang mapalakas pa ang produksyon ng Halal products sa rehiyon (DA-4A RAFIS).