Huntahan sa 120 magsasaka sa Quezon ukol sa mga programa ng DA-4A, isinagawa

 

 

 

Nakipaghuntahan ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa 120 magsasaka upang ipakilala ang mga programa ng Kagawaran sa isinagawang Huntahan sa Kanayunan: A DA CALABARZON – Bagong Pilipinas Town Hall Meeting 2024 sa Pitogo, Quezon noong ika-14 ng
Nobyembre.

Layon ng aktibidad na tunguhin ang mga magsasaka sa malalayong parte ng rehiyon upang masagot ang kanilang mga katanungan ukol sa mga namamataang isyu sa pagsasaka habang ipinapahatid ang mga serbisyo ng Kagawaran sa tulong ng mga kawani mula sa bawat opisina.

Ayon kay Pitogo, Quezon Mayor Dexter Sayat, sinikap ng lokal na pamahalaan na magkaroon ng Huntahan sa lugar upang aniya ay malaman ng mga magsasaka ang mga dapat gawin lalo na sa paghiling ng mga interbensyon para sa pangangailangan sa malalaking makinarya.

Sa mga hindi pa rehistrado sa opisyal na talaan ng mga magsasaka, ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), nagkaroon din ng booth para rito kalakip ang pamamahagi ng mga polyetos ukol sa pagsasaka at programa ng DA.

Si Zata Moje na isang magpapalay ay ikinatuwa ang pakikipagpanayam sa representante ng Regional Crop Protection Center (RCPC) dahil aniya ay tinuruan siya nito ukol sa angkop na pamamahala ng pesteng kuhol sa kanyang palayan.

Samantala, kasama rin sa huntahan ang ilang katuwang na ahensya para sa mga isyu sa pagniniyog at pagpapaseguro, ang Philippine Coconut Authority (PCA) at Philipine Crop Insurance Corporation (PCIC). #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)