Huntahan sa higit sa 100 magsasaka mula sa isla ng Perez, isinagawa ng DA-4A
Nakapanayam ng higit sa 100 magsasaka mula sa isla ng Perez sa probinsya ng Quezon ang mga kawani ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa isinagawang Huntahan sa Kanayunan: A DA CALABARZON – Bagong Pilipinas Town Hall Meeting noong ika-10 ng Hulyo.
Ito ay upang personal na maipabatid at maipresenta sa mga magsasaka mula sa malalayong bahagi ng rehiyon ang mga programa at serbisyong hatid ng Kagawaran. Kasabay nito ang pagtugon sa kanilang mga katanungan at suhestiyon kaharap ang mga teknikal na kawani mula sa iba’t ibang programa ng DA-4A.
Tampok na rin sa aktibidad ang pagpaparehistro ng mga magsasaka sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na nagsisilbing talaan ng Kagawaran ng mga lehitimong magsasaka at patuloy na sinusuportahan ng mga interbensyon.
Kaugnay nito, personal na binisita ni DA-4A Regional Director Fidel Libao ang mga namumuno sa mga karatig bayan sa Alabat at Quezon, Quezon upang kamustahin ang kasalukuyang estado ng agrikultura sa bawat bayan. Dito ay tinalakay ang mga posibleng proyektong makapagpapalakas pa sa kanilang paghahayupan at seguridad ng pagkain sa buong isla ng AlQueRez.
Inaasahan naman ni Crumwell Ursolino, pangulo ng Villamanzano Pinagsibangan Irrigators Association, na magpapatuloy pa ang pamahalaan sa direktang pakikipag-usap sa kanila upang mapagtuunan ang kalagayan nilang mga magsasaka sa isla.
(Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)