Sa layon na maipahayag ang mga programa at serbisyong pang-agrikultura sa mga magsasaka sa CALABARZON, muling nagdaos ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng ‘Huntahan sa Kanayunan’ noong 6 Setyembre 2022 sa Siniloan, Laguna.
“Ang ‘Huntahan sa Kanayunan’ ay isa sa mga paraan para ma-address ang mga suliraning pang-agrikultura. Gaya ng hangad ng ating kasalukuyang kalihim, Presidente Ferdinand Marcos Jr., asahan n’yong palagi kaming bababa sa field at makikisalamuha sa inyo upang kayo’y aming mapakinggan at makapagbigay ng naayon na interbensyon at teknikal na gabay,” ani OIC-Regional Executive Director Engr. Abelardo Bragas.
Samantala, ipinahatid ni Regional Information Officer Radel Llagas ang mandato ng DA, mga pangunahing programa at serbisyo nito, at ang kahalagahan ng pagiging rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at pagiging miyembro ng isang samahan upang makasali at makinabang sa mga programa ng kagawaran.
“Isang malaking karangalan para sa bayan ng Siniloan na dito ganapin ang information caravan ng DA. Lubos kaming nagpapasalamat sa patuloy na pagpapaigting ng ugnayan sa pagitan ng sektor ng agrikultura at ng ating mga magsasaka mula sa lalawigan ng Laguna,” ani Siniloan Vice Mayor Patrick Co.
Bahagi ng aktibidad ang RSBSA validation at pamimigay ng mga polyetos patungkol sa pagtatanim, paghahayupan at mga programa ng DA-4A. Nagbukas din ng forum kung saan malayang nakapagtanong ang mga magsasaka sa mga teknikal na kawani ng regional office.
Tinatayang higit sa 500 na magsasaka mula sa walong bayan ng Laguna ang nakilahok at nakapakinig ng mga usapin at isyung tinalakay sa forum.
“Napakaganda na may ganitong event ang DA kasi nabibigyan ang mga magsasakang tulad ko ng pagkakataon na tumayo at maglakas ng loob na magsabi ng kanya-kanya naming hinaing. Nakakataba ng puso na alam naming may gobyernong nakikinig,” ani Vivian Mansibang, isa sa mga magpapalay na nagtanong sa forum.
Samantala, sa pagtatapos ay tinipon ni Director Bragas ang mga farmer leaders kasama si Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Editha Salvosa upang ipaliwanag ang mga inisyatibo ng ahensya tungo sa pagpapalakas ng kanilang samahan mula sa larangan ng produksyon hanggang sa pagmamarket.
Ilan sa mga dumalo sa aktibidad ay sina OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Fidel Libao, Agricultural Programs Coordinating Officer) para sa Laguna Annie Bucu, Municipal Agriculturist ng Siniloan Carlo Realeza, at iba pang DA-4A at mga lokal na pamahalaan. #### (Danica Daluz Von Samuel Panghulan)