Higit sa 800 magpapalay mula sa iba’t ibang probinsya ang nakilahok at sumuri ng mga hybrid na barayti ng palay at pataba sa isinagawang Hybrid Rice and Fertilizer Derby ng Department of Agriculture Regional Office No. IV-A (DA Calabarzon) Rice Program sa Sariaya, Quezon simula ika-6 hanggang ika-8 ng Pebrero, 2024.
Ito ay may temang “Hybrid Rice and Fertilizer Derby: Makabagong Teknolohiya, Maunlad na Pagsasaka” kalakip ang layuning mahikayat ang mga magsasaka na gumamit ng mga bagong
barayti ng hybrid na palay at iba’t ibang uri ng abono upang mapataas ang kanilang produksyon.
Ang hybrid na barayti ng palay ay bunga ng unang henerasyon ng paglalahi ng dalawang barayti ng palay na nagtataglay ng pinakamahuhusay na mga katangian. Mas marami, malaki, at mabigat ang mga butil nito kada uhay kumpara sa inbred na palay.
Sa simula ng aktibidad ay hinati sa ilang grupo ang mga magpapalay para sa field walk upang obserbahan ang mga tanim at ang mga itinayong booth tampok ang mg produktong abono, pestisidyo, pamatay-damo, at iba pa. Sinundan ito ng talakayan kung saan malayang nakapagtanong ang mga magsasaka.
Ikinatuwa naman ni Julian Trinidad, pangulo ng Concepcion Palasan Farmers Association Sariaya Quezon, ang oportunidad na nakasama siya sa mga nakasaksi ng mga barayti ng hybrid na palay at abono dahil siya ay natuto sa makabagong teknolohiya, mga diskarte, at paraan para sa ikauunlad pa ng pagpapalay. Samantala, sa ikatlong araw ay nagkaroon ng pasinaya sa unang pag-aani ng mga hybrid na palay na pinangunahan ni Regional Executive Director Engr. Marcos Aves, Sr. kasama ang iba pang kawani ng DA Calabarzon, mga katuwang sa lokal na pamahalaan, walong Seed Companies, at pitong Fertilizer Companies. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)