“Organikong Agrikultura sa Kumikitang Kabuhayan para sa Kalusugan at Kapaligiran, (OA 4K).”
Ito ang buod ng tema sa matagumpay na pagdiriwang ng ika-16 na National Organic Agriculture Congress na pinangunahan ng Kagawaran ng Pagsasaka, Rehiyon ng CALABARZON at ang National Agricultural Organic Council (NOAC). Ito ay idinaos sa Camp Benjamin, Alfonso, Cavite at dinaluhan ng mahigit 2,000 mga magsasaka, mangingisda, processors at negosyante ng buong bansa noong ika-12 hanggang ika-14 ng Nobyembre 2019.
Naging katuwang sa pagsulong sa matagumpay na pagdiriwang ang panlalawigang pamahalaan ng Cavite at pamahalaang bayan ng Alfono sa pangunguna nina Governor Juanito Victor Remulla, at Punong Bayan Randy A. Salamat.
Ipinahayag ng butihing Kalihim William Dar ang kanyang todong pagsuporta sa organikong pagsasaka, pagbati dahil sa dumadaming bilang ng mga organikong practitioners at pasasalamat sa lahat ng mga dumalo at bumubuo ng NOAC.
Pagmamalaki ding inihayag ng Kalihim William Dar ang pag-alis ng experimental use permit para sa pagsubok ng organikong pataba, bagkos ay ang pagbabalik tiwala sa mga magsasaka basta isumite lamang ang chemical content ng kanilang produkto.
Nagpadala naman ng video clip message si Sinadora Cynthia A. Villar, Chairwoman, Senate Committee on Agriculture and Food at nagsabing, “makakaasa po kayo na prioridad ko po sa senado ang batas na naglalayong maging affordable ang organic certification through the participatory guarantee system or PGS sa ating mga magsasaka. Para ng sa ganoon mas maraming Pilipino ang magkaroon ng aksis sa ligtas at masustansyang organikong produkto”.
Naroon din upang umagapay sa nasabing okasyon si Regional Executive Director Arnesl V. de Mesa ng DA IV-Calabarzon; Evelyn G. Laviña, Undersecretary for High Value Crops Development Program (HVCDP) and Credit; at si Engr. Christopher V. Morales, Program Coordinator ng NOAP/NPCO. (NRB, DA-RAFIS)