Ipinagdiwang ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) ang ika-70 anibersaryo ng pagkakatatag ng Quezon Agricultural Research and Experiment Station sa Lagalag, Tiaong, Quezon, noong ika-1 ng Hunyo, 2022.
Isa ang QARES sa apat na istasyon ng ahensya na inilaan para sa pag-aaral at pagpapaunlad ng pamamaraan at teknolohiya sa pagsasaka.
Bahagi ng pagdiriwang ang misa, tree planting activity, establishment of foundation grove, at socialization and catching up with retirees.
“Pagbati sa lahat ng bumubuo ng QARES sa inyong anibersaryo. Nagpapasalamat ako sa inyo sa patuloy ninyong serbisyo sa inyong istasyon. Asahan po ninyo ang patuloy na suporta ng ating opisina sa inyong mga gawain,” ani DA Assistant Secretary for Operations at DA-4A Regional Executive Director Engr. Arnel V. de Mesa.
Samantala, sinabi naman ni DA-4A Research Division Chief G. Eda F. Dimapilis na mahalagang gunitain ang anibersayo ng QARES upang ipaalam sa stakeholders na mayroong pasilidad na itinatag, at maaaring mapuntahan at mapagkuhanan nila ng kaalaman. Buo din aniya ang suporta ng opisina sa bumubuo ng QARES at sa mga proyektong ipinatutupad
“Nawa’y magsilbi ang aktibidad na ito upang mas lalong mapatatag ang samahan ng bawat empleyado ng QARES. Asahan po ninyo na patuloy na magsusumikap ang buong pwersa ng opisina upang mapaunlad ang aming mga gawain,” ani Quezon Agricultural Program Coordinating Officer at QARES Chief G. Rolando P. Cuasay.
Dumalo rin sa pagdiriwang sina OIC-Regional Technical Director (RTD) for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas, OIC-RTD for Research and Regulations Engr. Marcos C. Aves, Sr., at iba pang kawani ng DA-4A.
#### (โ Jayvee Ergino ; ๐ธ Chief Eda Dimapilis & Nicko Calanasan)