Isinagawa ang ika-apat na pagpupulong ng Regional Management Committee (RMC) sa CALABARZON kasabay ng isang planning workshop para sa taong 2019 noong Disyembre 5-6, 2018 sa Tanza Oasis Hotel and Resort sa Cavite.
Ang RMC ay binubuo ng mga ahensya na nasa ilalim ng Kagawaran ng Pagsasaka na nagsisilbing tagapagtaguyod at tagapagpatupad ng pangkalahatang programa ng Kagawaran upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka, mangingisda, at iba pa, katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Ang pagpupulong ay pinangunahan ng Regional Director ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON na si Arnel V. de Mesa na tumatayo bilang tagapangulo ng komite. Tinalakay niya ang tungkol sa mga sumusunod: proyekto sa kape, aprobadong iminungkahing presyo ng National Food Authority (NFA) para sa milled rice sa rehiyon at sa MIMAROPA, kalagayan ng agrikultura sa bansa mula Hulyo hanggang Setyembre, paglulunsad ng sorghum production, at iba pa.
Dito ay pinag-usapan din ang mga gawain ng Regional Bantay Presyo Monitoring Team, iminungkahing presyo ng manok sa Kalakhang Maynila, TienDA Farmers and Fisherfolk’s Outlet, ang idinaos na kauna-unahang Livestock Congress sa rehiyon, mga aktibidad ng Philippine Rural Development Project (PRDP) kagaya ng value chain analysis, at ang ika-pitong World Bank Implementation Support Mission.
Nagbigay-ulat din ang NFA, Agricultural Training Institute (ATI), at Sugar Regulatory Administration (SRA). ###NRB