Matagumpay na naisagawa ng Kagawaran ng Pagsasaka Region 4-CALABARZON ang ikalawang Regional Halal Agriculture and Fishery Summit na ginanap sa STIARC Training Hall, Lipa City, Batangas noong Mayo 21, 2019.
Ito ay dinaluhan ng mahigit 150 magsasaka, mga panlungsod at pambayang agrikultor, mga agricultural extension worker, mga negosyante, mga nasa akademiya, at iba pang mga opisyal at kawani ng pamahalaan sa CALABARZON upang talakayin at pag-aralan ang Halal Food Industry Development Program (HFIDP), at magtulung-tulong na gawing sertipikado ang mga produktong Halal.
Kinatawan ni G. Pedrito R. Kalaw, Chairperson ng Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) at kasalukuyang Farmer-Director ng Kagawaran, si Regional Director Arnel V. de Mesa.
Batay sa temang “Bringing Safe and Quality Agricultural Products to CALABARZON Consumers Through Halal Certification,” binigyang-diin ni G. Kalaw ang pagpapaigting sa pagkakaroon ng sertipikasyon ng mga magsasaka, mangingisda, at negosyante o namumuhunan. “Kung tayo ay makakapagluwas ng mga produkto at makapasok sa pandaigdigang merkado ng Halal, t’yak na makakatulong tayo sa pag-unlad ng ating mga kababayan at mga kapatid na Muslim, gayundin sa ating ekonomiya,” paliwanag ni Farmer-Director Kalaw.
Nagkaroon ng pagbabahagi ng ilang mga impormasyon at karanasan patungkol sa programa sina Engr. Elmer T. Ferry, Assistant Regional Director for Research and Regulatory, Bb. Avelita M. Rosales, Focal Person ng Regional Corn Program, at Dr. Linda M. Lucela, Veterinarian III ng Regulatory Division ng Kagawaran; Dr. Oscar O. Parawan, Consultant ng Halal Program Management Office; Bb. Agnes Morales, Chemist ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) IV-A; G. Raison Arobinto, Senior Trade and Industry Development Specialist ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya (DTI); at G. Nestor P. Abdullatif, Hepe ng Operations ng Al-Amanah Islamic Bank of the Philippines.
Ang summit ay dinaluhan din ng iba’t ibang exhibitor ng mga sertipikadong produktong Halal sa rehiyon. Ibinahagi rin nila ang kanilang pinakamahuhusay na kasanayan sa pagkakaroon ng mga dekalidad at ligtas na produktong Halal.
Ang aktibidad na ito ay pinangasiwaan ng Regulatory Division ng Kagawaran. • NRB, DA-RAFIS