Abalang-abala ngayon ang Rice Banner Program ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON upang i-validate ang mga samahan ng mga magsasaka na gustong sumali sa Inbred Rice Demo Farm Program sa susunod na taniman.
Kasama ang mga tauhan ng Office of the Provincial Agriculturist ng Quezon, pinangunahan ni Bb. Ma. Annie S. Bucu, Rice Seed Focal Person ng rehiyon, noong Setyembre 11-12, 2019 ang pagbisita sa District II ng Quezon upang personal na tingnan ang mga samahan na gustong makiisa sa nasabing programa.
Kasama ang Municipal Agriculturist ng Sariaya na si Enelita B. Villocillo ay binisita nila ang Nagkakaisang Magsasaka ng Baranggay Morong (Purok 6), Morong Farmers’ Association (MorFA) ng Purok 7 at Limboner’s Farmers’ Association ng Baranggay Limbon na may mahigit 150 ektaryang palayan.
Sa Lucena City naman, nakasama sa validation si Assistant City Agriculturist Ceasario Sabandana at pinuntahan ang Buklurang Magsasaka ng Bagong Lucena sa mga Barangay Mayao Parada at Mayao Castillo na mayroong mahigit na 400 ektaryang palayan.
Ang Inbred Rice Demo Program ay tulong sa mga magsasaka na magkakalapit ang sinasaka para makakuha sila ng ayudang binhi at abono sa Kagawaran para tumaas ang kanilang kita at ani sa pagpapalayan. ● NRB, DA-RAFIS