Industriya ng kape sa Amadeo, patuloy na pinalalago ng proyektong negosyo ng DA-PRDP

 

 

Binisita ng World Bank ang proyektong Cavite Coffee Processing and Trading ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) at ng Café Amadeo Development Cooperative sa Amadeo, Cavite. Isa ito sa mga kinikilalang modelong proyektong negosyo sa buong bansa.

Sa halagang Php 15,914,830.88, inilunsad ang proyekto noong 2020 upang mapalawak ang pagproproseso ng kape ng Café Amadeo Development Cooperative na isa sa mga pangunahing mamimili ng aning kape sa kanilang bayan. Nakatanggap ang kooperatiba ng isang pasilidad at mga kagamitan.

Bahagi ni Joilyn Nesperos, pangulo ng kooperatiba, isa sa mga malaking naitulong ng proyekto ay ang pagkakaroon nila ng mas malaking imbakan ng kape. Kung dati, isang tonelada lamang ang kaya nilang iimbak, ngayon kaya na nilang mag-imbak ng 20 tonelada. Samantala, malaki rin ang naitulong ng dalawang roasting machines mula sa proyekto. Noon kaya lamang nilang makapagluto ng 10-20 kilos na kape sa loob ng isang oras, ngayon sa tulong ng proyekto, kaya na nilang makapagluto ng 60-120 kilos.

Matapos ang apat na taon, natriple na ng kooperatiba ang kanilang taunang benta at nadoble naman nila ang produksyon ng kanilang produktong kape sa tulong ng proyekto. Dahil dito, nagkaroon sila ng sapat na pondo upang makapagpagawa ng isang coffee shop katabi ng kanilang processing facility at makabili ng isang coffee bag packaging machine. Nakapagbigay rin sila ng trabaho sa 52 katao.

Matapos libutin ang coffee processing facility, binigyang papuri ng World Bank, sa pangunguna ni Agriculture and Food Global Leader Shobha Shetty ang Café Amadeo sa kanilang tagumpay. Anila, lubos silang natutuwang makita na nagbubunga na ang suportang inihatid ng World Bank sa kooperatiba, maging sa mga magkakape ng Amadeo. Inaasahan nilang susunod ang ibang mga kooperatiba sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sa Café Amadeo.

Binigyang puri rin ng DA, sa pangunguna ni DA Assistant Secretary for Operations at DA-PRDP National Project Director U-Nichols Manalo ang kooperatiba. Pinasalamatan rin nila ang World Bank

sa patuloy nilang paggabay tungo sa patuloy na paglago at pagpapatatag ng sektor ng agrikultura at pangisdaan. Aniya, patuloy ang DA sa pagpapalakas ng produksyon ng kape sa bansa sa pamamagitan ng pagsasagawa ng coffee rejuvenation and rehabilitation programs, pamimigay ng mga pananim, kagamitan, at makinarya, at pagsasanay sa mga magsasaka sa tamang pag-aalaga ng mga puno ng kape.

Nagpasalamat rin ang Café Amadeo Development Cooperative sa DA, World Bank, at lokal na pamahalaan sa patuloy nilang suporta. Anila, sa patuloy nilang paglago, kanilang laging isasaisip ang kapakanan ng mga magkakape ng Amadeo upang umunlad ang kanilang kabuhayan at pamumuhay.#