Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON,
nakibahagi sa paglulunsad ng rehabilitasyon ng Manila Bay
Ilan sa mga opisyal at mga kawani ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON ang nakibahagi sa paglulunsad ng rehabilitasyon ng Manila Bay noong Enero 27, 2018.
Sila, kasama ng libu-libong tao na kinabilangan ng ilang miyembro ng Gabinete, mga opisyal, at mga kawani ng iba pang ahensya ng pamahalaan (nasyonal at lokal); mga guro (pribado at pampubliko) at mga mag-aaral; pribadong sektor; mga volunteer, at iba pa ay nagmartsa mula Quirino Grandstand hanggang Baywalk na naging hudyat ng pagsisimula ng rehabilitasyon.
Sa isinagawang seremonya, sinabi ng mga naging tagapagsalita na layunin ng aktibidad na mapababa ang lebel ng fecal coliform, isang uri ng bakterya, sa Manila Bay. Dahil ayon sa resulta ng isinagawang water sampling, ang naturang look ay may 330 milyong most probable number (MPN) ng fecal coliform, na mataas sa dapat na antas nitong 100 MPN.
Ayon sa Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR) ang proyekto ay tatagal ng pitong taon at nangangailangan ng 47 bilyong pisong pondo. Kaya naman bilang tulong para sa mabilis at maayos na pagsasakatuparan nito, inaasahan na ang lahat ng baranggay sa paligid ng Manila Bay at mga lugar na may mga wawa (estuary) na konektado rito ay magsasagawa ng clean-up drive o paglilinis kada linggo. • NRB