Makabuluhang mga benepisyo ang tinatamasa na ngayon ng mga magsasaka at residente ng ilang mga barangay sa Santa Maria, Laguna sa tulong ng Kayhacat-Bubucal-Inayapan-Calangay-Coralan-Bagumbayan Farm-to-Market Road ng Department of Agriculture β Philippine Rural Development Project (DA-PRDP).Β
Ang proyektong ito na may habang 7.17 km at halagang Php 106, 087, 325.92 ay natapos noon lamang nakaraang taon. Layon nitong palakasin ang industriya ng kape sa Santa Maria sa pamamagitan ng pagdugtong ng anim na mga barangay nito sa kabayanan at mga pamilihan.
Mula dalawang oras na byahe, inaabot na lamang ng 46 minuto ang byahe papunta sa bayan ng Santa Maria, ngayong madali nang nakakadaan ang mga sasakyan at mga hayop. Dahil dito, bumaba ang bayad sa pagpapahakot ng kape mula sa Php 12,540.00, na ngayon ay Php 4,840.00 na lamang. Naiibenta na rin sa mas mataas na presyo ang mga aning kape sa halagang Php 21.00 kada kilo na dati ay Php 13.00 dahil hindi na ito nasisira o nalalaglag sa byahe.
βAng serbis namin noon ay kabayo tapos lilipat pa kami nang ilang beses bago madala ang produkto sa bayan. Maraming nasisira at nare-reject lalo na ang mga gulay. Ngayon, isang sakay na lang, wala na masyadong sira ang produkto at naiibenta na sa magandang presyo sa mamimili,β ani Gloria Olino, magsasaka at mangangalakal ng kape sa Brgy. Pao-o.
Ayon naman sa lokal na pamahalaan ng Santa Maria, lumawak ang mga taniman ng kape nang 7% at tumaas naman nang 92% ang dami ng produksyon nito. Nagsimula na ding magtanim ng ibang crops ang mga magsasaka tulad ng rambutan at lansones.
Dahil sa kaginhawaang inihatid ng kalsada, tumaas ang kita ng mga magsasaka sa kape mula sa Php 3,023.36, na ngayon ay Php 14,502.00. Nagkaroon na rin sila ng pagkakataong magpunla at magproseso ng kape upang mas madagdagan pa ang kanilang kita. Ilan sa kanila ay ang Cueva Farmers Association at Juan Santiago Agricultural Cooperative na may proyektong coffee processing facility katuwang ang DA-PRDP.
βMas nabuhayan kami ng loob na ipagpatuloy ang produksyon at maging input supplier na rin upang mas mapalaganap pa ang pagtatanim ng kape dito sa aming bayan at makilala na rin ito sa ibang lugar,β ani Joseph Andal, pangulo ng Cueva Farmers Association.
Upang masiguradong patuloy na maghatid ng benepisyo sa mga mamamayan ang kalsada at lumakas pa ang industriya ng kape sa Santa Maria, naglalaan ng pondo ang lokal na pamahalaan para sa pagpapahusay at pagpapanatili ng integridad ng kalsada. Sa ngayon ay nagsumite rin sila ng mungkahing proyektong farm-to-market road subproject sa DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon (DA-PRDP 4A) na popondohan sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up.#