Kalsadang DA-PRDP sa Catanauan, sisimulan na

 

 

Mabibigyang-daan na ang pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa pitong barangay ng Catanauan, Quezon ngayong sisimulan na ang konstruksyon ng 12.46 kilometrong farm-to-market road na pinondohan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Scale-Up at ng lokal na pamahalaan ng Catanauan.

Dadaan ang nasabing kalsada sa mga barangay na Doongan Ilaya, Doongan Ibaba, Milagrosa, San Antonio Magcopa, San Roque, San Pablo Suha, at Sta. Maria Dao. Aabot sa 2810 magsasaka at mangingisda at 685 kabahayan ang tinatayang magbebenepisyo dito.

Inaasahang makakatulong ang kalsada sa pagpapataas ng produksyon at kalidad ng transportasyon ng mga produktong niyog, saging, mais, luya, at bigas mula sa mga sakahan tungo sa merkado. Idudugtong rin nito ang mga target na barangay sa mga kalsadang tungo Lucena, Lopez, at Buenavista na makakatulong sa pagdami ng oportunidad para sa mga residente.

“Sa pagsisimula po ng proyektong ito, kami po ay umaasa na magtutuloy-tuloy na ang pag-unlad ng ating bayan ng Catanauan. Nagpapasalamat po kami sa DA-PRDP sa kanilang pagtulong sa amin na maisakatuparan ang proyektong ito,” ani Catanauan Mayor Ramon Orfanel sa groundbreaking ceremony ng proyekto.

“Pahalagahan po natin itong proyekto dahil napakalaki po ng magiging epekto nito hindi lamang sa pang-araw-araw na buhay, kundi sa atin ring ekonomiya. Sa part namin sa DA-PRDP, mas iigtingan namin ang pagmo-monitor ng impact ng proyekto nang sa gayon ay masiguradong natutugunan nito ang mga pangangailangan ng sektor ng agrikultura sa mga target areas,” ani DA-PRDP National Project Director and DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo.

Tinatarget na matapos ang konstruksyon ng kalsada sa Enero 2027. Kasama rin sa groundbreaking ceremony sina DA Regional Field Office IV-A CALABARZON at DA- PRDP Project Support Office South Luzon Director Fidel Libao, Quezon Third District Representative Congressman Reynante “Reynan” Arrogancia, Quezon Third District Board Member JJ Aquivido, 85th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Reynir Nirza, Catanauan Vice Mayor Manuel Montano, at mga kapitan ng mga target na barangay.#