Pinasalamatan ng Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) na benipisyaryo ng Marketing and Logistics Component ng Enhanced KADIWA ni Ani at Kita Food Supply Chain Program ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) dahil sa tulong na dulot ng ipinamigay na mga sasakyan sa kanilang samahan.
“Napakaganda ng outcome ng ipinagkaloob na aluminum van. Nakakabenta nang malaki ang mga magsasaka at nakakabili naman ng mura ang consumers,” ani Apolonio M. de Rosales, Chairman ng Pinagdanlayan Multi-Purpose Cooperative (MPC).
Layunin ng nasabing programa na mapataas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng direktang pagdadala ng kanilang mga produkto sa pamilihan kung saan may siguradong mamimili, gayundin ay tugunan ang pangangailangan ng mga mamimili na makakuha ng pagkaing abot-kaya ang presyo.
“Ang KADIWA ay isa sa mga pamamaraan ng Kagawaran para matulungan na magkaroon ng magandang kita ang ating mga magsasaka,” ani DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
Naisasakatuparan ang layuning ito sa pamamagitan ng pag-iimplimenta ng Marketing and Logistics Component ng E-KADIWA.
Sa component na ito, maaaring mabigyan ang DA-accredited na Civil Society Organizations gaya ng FCAs ng wing van truck, aluminum van, o refrigerated truck na gagamitin sa pagdadala ng mga produktong pang-agrikultura mula sakahan patungong pamilihan. Sa pamamagitan nito ay nabawasan na ang delivery fee na isa sa malaking alalahanin ng mga magsasaka tuwing dadalhin ang kanilang produkto sa pamilihan.
Bukod sa Pinagdanlayan MPC, nakatanggap din ang Magallanes-Samahang Magsasaka ng Kay-apas at Medina (MAGSAMAKAME) ng aluminum van. Wing van truck para sa Quezon Palay Seed Growers’ Association, Inc. at Kapuso Malaya Chapter; at refrigerated truck naman sa Lipa Beekeepers’ Marketing Cooperative at Bongliw Fisherman’s Association.
“Sobra kaming nagpapasalamat sa inyo [FCAs]. Kayo ang katuwang ng DA sa pagbili at pagdala ng mga produkto sa merkado,” ani DA-4A OIC-Regional Technical Director for Operations Engr. Abelardo R. Bragas.
Dagdag pa ni Moises Vidal, pangulo ng Quezon Palay Seed Growers’ Association, Inc., nakatulong din ang ipinagkaloob na wing van truck para mapabilis at mapadali ang pagdadala ng mga produkto sa pamilihan. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)