Sa magkahiwalay na araw at lugar, pinangunahan ng Department of Agriculture IV- Calabarzon (DA-4A) Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4K) Program
ang Training on Values Formation, Leadership and Organizational Strengthening para sa mga katutubong dumagat noong ika-25 hanggang ika-26 ng Abril sa Burdeos at ika-2 hanggang ika-3 ng Mayo sa Gen. Nakar, Quezon.
Ito ay upang gabayan at turuan ang mga katutubo mula sa nasabing bayan sa pagsisimula, pamamahala at pamumuno ng kani-kanilang samahan. Naibahagi sa kanila ang mga tamang gawi at kwalipikasyon ng isang modelong lider at miyembro.
Kasabay nito, nagkaroon din ng maikling diyalogo ang mga kawani ng kagawaran atmga katutubo upang malaman ang pangangailangan nila sa pagpapaunlad ng kanilang mga sakahan.
Ayon kay DA-4A 4K Program Focal Person Antonio Zara, patuloy ang pagtulong ng kagawaran sa mga katutubo upang mapaunlad ang kanilang pamumuhay at kabuhayan. Aniya, malaki angtulong nito sa pagkakaroon ng sapat na pagkain at mapapagyabong nila ang mga bakanteng lupa sa kani-kanilang tribo.
Taos-pusong pasasalamat naman ang ipinaabot ni Chieftain Mabeline Peñamante, isang katutubong dumagat sa Burdeos. Aniya, nabuhay muli ang kanilang pag-asa sa pagsasaka dahil sa suportang hatid ng kagawaran. #### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)