Sa pangunguna ng Department of Agriculture IV- Calabarzon (DA-4A) Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayan Katutubo (4K) Program, sumailalim sa Training on Values Formation, Leadership and Organizational Strengthening ang humigit kumulang sa 40 katutubong Dumagat noong ika-18 hanggang ika-19 ng Abril, 2024 sa Brgy. Puray, Montalban, Rizal.
Ito ay upang palakasin ang kanilang kakayahan sa pamumuno, pagsisimula, at pamamahala ng kanilang mga samahan. Ipinarating sa kanila ang mga kwalipikasyon ng isang lider at mga katangian dapat angkin ng isang miyembro upang maging matagumpay ang binubuong samahan.
Kaugnay nito, kinonsulta din ng DA-4A ang mga katutubo ukol sa kasalukuyan kalalagayan ng kanilang samahan at mga pangangailangan nila sa kanilang sakahan ng sa gayon ay maisama din sa mga plano sa darating na panahon. Ayon kay Bb. Jacqueline Sunga, alternate focal person ng DA-4A 4K Program, patuloy ang gabay at pag-alalay ng kagawaran sa mga katutubong dumagat sa pagsasaayos ng kanilang mga samahan. Aniya din niya na ang mga pinarating nilang pangangailangan ay isasama sa mga plano para sa pondo ng mga susunod na taon.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si G. Rolando Aquino, Tribal Chieftain ng Dumagat Remontado sa Montalban. Aniya, marami silang nakuhang magagandang gawi sa pamumuno at pamamahala na kanilang ipapatupad sa kanilang tribo upang sila ay magtagumpay.
Samantala, nagkaroon din ng kahalintulad na pagsasanay ang naisagawa sa Brgy. Cuyambay at Brgy. San Andres, Tanay, Rizal noong ika-25 hanggang ika-26 ng Marso, 2024. (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)