Nagtayo ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng kauna-unahang organic seed storage facility sa rehiyon at opisyal na ipinagkaloob sa Quezon Agricultural Research and Experiment Station (QARES) noong ika-2 ng Mayo.
Sa pamamagitan ng QARES bilang isa sa tanggapan ng ahensya, layon nitong magkaroon ng tuloy-tuloy na produksyon ng organikong binhi na siyang ipamimigay sa mga magsasaka sa bawat komunidad sa probinsya. Hakbang din ito upang mapanatili ang preserbasyon ng mga binhi sa nasabing pasilidad.
Ayon kay Organic Agriculture Program (OAP) Focal Person Elizabeth Gregorio, isa ito sa hakbang upang masuportahan ang organic livelihood projects at mas mapalawig ang organikong pagsasaka sa rehiyon.
Sa tulong ng pasilidad na paglalagyan ng mga binhi at magiging modelo ng Kagawaran ay maaari na ring isulong ng OAP ang pagsasagawa ng mga pagsasanay sa pagpapalakas ng organikong pagbibinhi.
Samantala, inaasahan ang pakikipagtulungan ng Kagawaran sa Bureau of Plant Industry at Institute of Plant Breeding (IPB) ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) para sa angkop na sistema ng pamamahala sa mga binhi at pasilidad. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)