Konstruksyon ng patubig ng DA-PRDP sa Majayjay, Laguna, sisimulan na

 

 

Aabot sa 5,612 residente ng Majayjay, Laguna ang mabibigyan ng sapat at ligtas na patubig ngayong sinisimulan na ang konstruksyon ng isang level II potable water system (PWS) ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) at ng lokal na pamahalaan. May halaga itong Php 90,181,808.71.

Isinagawa ang nasabing proyekto upang matulungan ang mga residente ng Brgy. Bakia, Bitaoy, Botocan, Gagalot, Isabang, Piit, Rizal, at Taytay na matagal nang umaasa sa pagpapakulo ng tubig o pagbili ng mineral water sa kanilang pang-araw- araw na gamit. Layon nitong maisaayos at mapalawak ang water system sa kanilang lugar sa pamamagitan ng paggawa ng water tanks, transmission at distribution lines, valves, communal tap stands, at isang 40-meter hanging bridge.

Sa groundbreaking ceremony ng proyekto, binati ni DA-PRDP Regional Project Coordination Office CALABARZON Project Director Engr. Redelliza Gruezo ang lokal na pamahalaan ng Majayjay sa kanilang tagumpay. Aniya, patuloy na makikipagtulungan ang DA-PRDP pati na ang DA sa lokal na pamahalaan sa mga proyektong para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Pinasalamatan naman ng punong bayan na si Romeo Amorado ang DA-PRDP sa kanilang suporta. Aniya, umaasa siyang maiiwasan na rin ang pagkakasakit ng mga mamamayan dulot ng maruming tubig sa tulong ng proyekto.

Tinatarget na matapos ang PWS sa Enero 2026. Bago sinimulan ang konstruksyon, pinag-usapan ng DA-PRDP, lokal na pamahalaan, at contractor ang mga pamantayan ng DA-PRDP Scale-Up at construction methodologies ng proyekto.#