Tungo sa patuloy na pag-unlad ng sektor ng agrikultura at isdaan sa Batangas, inilahad ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas sa Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office Calabarzon ang kanilang plano na magmungkahi ng proyektong Regional Food Terminal para pondohan sa ilalim ng DA-PRDP Scale-Up.
Layon ng proyekto na magbigay ng maayos at sapat na imbakan ng iba’t-ibang mga produktong agrikultural at gawing mas madali at mabilis ang bentahan ng mga ito. Dahil sa malaking lawig nito na aabot sa buong rehiyon maging sa mga karatig na probinsya, inaasahang malaking benepisyo at pag-unlad ang maihahatid nito sa sektor ng agrikultura at isdaan.
Upang maipagpatuloy ang pagsulong ng proyekto, inilahad ng DA-PRDP 4A ang proseso ng DA-PRDP Scale-Up. Tiningnan rin ng DA-PRDP 4A kung ang proyekto ay tumutugon sa mga pangangailangan ng probinsya base sa Provincial Commodity Investment Plan nito at sa mga DA-PRDP 4A Regional Value Chain Analyses. Samantala, nagbigay na rin ang DA-PRDP National Project Coordination Office ng mga paunang kumento sa mungkahing proyekto ng lalawigan bilang gabay sa pagkumpleto ng mga requirements para sa DA-PRDP Scale-Up.
Inihayag ng Batangas PLGU ang kanilang kagustuhang ipagpatuloy ang kanilang mungkahing regional food terminal. Anila, kanilang kukumpirmahin kung sino ang mamamahala sa proyekto ngayong Marso at sisimulan na rin nila ang pag-aasikaso ng mga requirements.
“Umaasa kami na magbubunga ang pagtitipon na ito ng mga makabuluhang partnerships at mga proyekto na talagang makakatulong sa ating agriculture and fisheries sector hindi lang sa Batangas, kundi sa buong rehiyon. Patuloy tayong mag-coordinate sa isa’t-isa at magtulungan upang ito ay ating maisakatuparan,” hayag ni DA-PRDP 4A Regional Project Director Engr. Romelo Reyes.
Ang mga dumalo mula sa Batangas PLGU ay ang mga sumusunod: ang Provincial Planning and Development Office (PPDO), ang Provincial Cooperative and Livelihood Development Office (PCLEDO) na pinamumunuan ni Ms. Celia Atienza, ang Provincial Agriculture Office na pinamumunuan ni Dr. Rodrigo M. Bautista, Jr., at ang Provincial Veterinary Office.