Kasama ang Cacao Industry Stakeholders’ Association (CCISA) na binubuo ng mga namumuno ng samahan ng mga magcacacao sa rehiyon, isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) High Value Crops Development Program (HVCDP) ang konsultasyon at pagsasanay sa pagpaplano tungo sa pagpapalakas ng industriya ng cacao noong 19 Oktubre 2022.
Layunin ng aktibidad na talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng CCISA, sanayin ang mga miyembro nito sa pagpaplano ng iba’t-ibang programa at proyekto, at solusyunan ang mga nakitang problemang maibabahagi ng mga kalahok. Ito ay pinangunahan nina OIC-Regional Executive Director Milo Delos Reyes, OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Marcos Aves, Regional HVCDP Focal Person Engr. Redelliza Gruezo, at Cacao Focal Person Maria Ana Balmes.
Binigyang-diin ni Director Delos Reyes ang halaga ng kasipagan ng mga magcacacao sa proseso ng produksyon gaya ng pagbuburo at pagpapalakas ng kalidad ng mga barayti nito na nagbubunga sa mataas na estado ng cacao pagdating sa importasyon.
“Malugod kong binabati ang mga stakeholder na bumubuo sa industriya ng cacao na naririto ngayon. Dahil sa pinapakitang sigla ng inyong mga kooperatiba at asosasyon, ‘yan din ang nagsisilbing lakas sa pagkamit n’yo ng mga tulong na nagmumula sa ating pamahalaan para mapaunlad pa ang produksyon ng cacao sa CALABARZON,” ani Engr. Gruezo.
Kabilang sa mga tinunghayan ay ang pagpapakita ng resulta sa mga rehabilitasyon ng programa at demonstrasyon ng mga teknolohiya para sa cacao, pagsiyasat sa potensyal na ugnayan sa merkado kasama ang kumpanya ng Auro Chocolate, at pagpresenta ng mga akreditadong Civil Society Organizations (CSO) ng kagawaran.
Samantala, katuwang ang Department of Trade and Industry IV-A, naging bahagi rin ng aktibidad ang paggagawad sa mga magcacacao mula sa rehiyon ng CALABARZON na nanalo sa Philippine Cacao Quality Awards (PCQA) para sa taong 2022. #### (Danica Daluz)